(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI malayong ubusin ng China ang mga isda sa West Philippine Sea na maging dahilan ng pagkagutom ng mga Filipino.
Ito ang babala ni Magdalo party-list Rep. Manuel Cabochan III matapos aminin ni Pangulong Rodrigo Duterte na binigyan niya ng ‘fishing rights” o karapatang mangisda ang China sa West Philippine Sea.
“Mas lalong nadedehado ang ating mga mangingisda. This also allows depletion of our marine resources. Ang pagkain na dapat sana ay para sa mga nagugutom na Pilipino ay ipamimigay na sa mga dayuhan,” ani Cabochan.
Base sa mga report, hindi mga simpleng bangkang pangisda ang ginagamit ng China sa West Philippine Sea kundi mga commercial fishing vessels kaya hindi malayong ubusin ng mga ito ang mga lamang dagat sa ating teritoryo.
Wala aniyang kalaban-laban dito ang mga Filipino na mangingisda na gumagamit lamang ng mga maliliit na bangka kaya nangangamba ang mambabatas na tuluyang magutom ang mga ito kasama na ang mga consumers na umaasa sa kanilang huli.
Lumalabas din sa mga report na kaya nasa South China Sea ang mga Chinese fishing vessels kung saan umaabot ang mga ito sa teritoryo ng South Korea at Indonesia dahil naubusan na nila ang mga isda sa East China Sea.
Hindi rin itinuturing ng mambabatas na bahagi ng pagprotekta ni Duterte sa ating teritoryo ang pagbibigay nito ng karapatan sa China na mangisda sa loob ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ) bagkus ay mapanganib ito dahil nakakapasok ang mga dayuhan sa ating balwarte.
“Sa pagbibigay ng fishing rights ng Pangulo sa China, hindi ito makatutulong na maprotektahan natin ang ating teritoryo na patuloy na inaagaw ng China,” ayon pa sa mambabatas.
147