(NI BERNARD TAGUINOD)
WALANG nakikitang dahilan ang isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para itago sa publiko ang listahan ng mga high profile narcotics traders at user sa publiko.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, hindi maituturing na ‘state secret’ ang mga taong sangkot sa ilegal na droga sa bansa kaya imbes na itago ang mga ito ay dapat ilantad sa publiko.
“In America’s Old West and until now in most countries, the watchlist of dangerous criminal suspects are publicly released and posted to prevent their commission of more crimes and help in their capture,” ani Lagman.
Unang nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na sisibakin niya si Leni Robredo bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) kung isasapubliko nito ang ‘state secrets’ sa illegal drugs.
Subalit ayon kay Lagman, kailangan malaman ng publiko kung sino ang mga taong ito na sumisira sa buhay ng mamamayan lalo na ang mga kabataan na nalululong sa ilegal na droga.
Maliban dito, posibleng makatulong pa aniya ang publiko sa paghahanap sa mga taong ito kapag alam nila kung nasaan ang mga ito kapag nailantad ang impormasyon sa kanilang pagkatao.
“No less than Duterte has previously released on several occasions the names of high profile suspects in the drug list which included businessmen, politicians, generals and police officers, among others,” ayon pa kay Lagman.
Maging ang mga nasa likod ng extrajudicial killings sa mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga ay hindi umano dapat itago sa publiko dahil hindi ito maituturing na ‘state secrets’.
126