(NI BERNARD TAGUINOD)
DAHIL pinangalanan na ang mga pulitikong sangkot umano sa illegal na droga sa bansa o ang mga tinatawag na narco politicians, nararapat lamang na pangalanan din ang mga artistang gumagamit at nagtutulak ng ilegal na droga.
Ito ang mungkahi ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone kaugnay ng 31 artista umano na sangkot sa ilegal na droga na sinusubaybayan ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
“Dapat (pangalanan) kasi yung mga politiko pinangalanan. Dapat lahat (pangalanan) para fair,” pahayag ni Evardone.
Magugunita na noong Marso 15, pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang may 44 politiko na sangkot umano sa ilegal na droga na kinabibilangan ng tatlong incumbent Congressmen na sina Leyte Rep. Vicente Veloso, Pangasinan Rep. Jesus Celeste at Zambales Rep. Jeffrey Khonghun.
Pawang itinanggi ng mga mambabatas ang nasabing alegasyon at sa katunayan ay kakasuhan umano ni Veloso ang mga taong nasa likod ng pagsama sa kanyang pangalan sa narco list.
Ayon kay Evardone, kung talagang sangkot ang mga artistang ito sa ilegal na droga, marapat lamang aniya na malaman ito ng mga tao lalo na ang mga umiidolo sa kanila.
Wala umanong dapat ilibre sa mga sangkot sa ilegal na droga lalo na ang mga nagtutulak, kahit ano pa man ang estado ng mga ito sa lipunan kaya artista man aniya o hindi ay dapat silang pangalanan.
Base sa mga report ng PDEA, sa 31 artista na kanilang sinusubaybayan, 11 umano dito ay mga babae, tatlo sa mga ito ay mga matantanda na at aktibo pa sa showbiz habang ang natitira ay 20 hanggang 30 anyos ang edad.
274