SA bihirang pagkakataon, pinuri ng militanteng mambabatas ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyan nang ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) dahil wala umanong naging pakinabang dito ang sambayanang Filipino.
Sa panayam ng Saksi Ngayon kay ACT party-list Rep. France Castro, kinatigan nito ang desisyon ni Duterte na ibasura ang VFA dahil tanging interes ng Amerika ang pinoproteksyunan nito at hindi ang mga Filipino gayung dito nagtatayo ng pasilidad at nagsasanay ang puwersa ng Amerika.
“Wala naman talaga tayong pakinabang sa VFA na iyan kaya tama si Presidente Duterte, dapat nang ibasura yan,” ani Castro dahil hindi umano naipagtanggol ng mga Kano ang Pilipinas nang agawin ng China ang mga Philippine coral reef sa West Philippine Sea.
“Bakit noong kinuha ng China ang West Philipine Sea wala silang kibo? Kung talagang may pakinabang tayo sa kanila at pinoproteksyunan nila ang ating interes, dapat hindi nila hinayaan ang China na agawin ang ating teritoryo,” ayon Castro.
Dahil din aniya sa nasabing kasunduan, harap-haparang binabalahura ng Amerika ang ating batas nang agawin ng Amerika ang kanilang sundalong si Lance Cpl. Daniel Smith na sinentensyahan ng Korte dahil sa pagpatay sa transgender na si Jenifer Laude noong 2005.
“Nagkaroon na ng resolusyon ang kaso ni Smith pero imbes na dito ikulong, kinuha nila nang harap-harapan sa ating mga pulis at dinala sa US Embassy dahil dito sa VFA agreement wala tayong jurisdiction sa kanilang mga sundalo pero kapag sundalo naman natin ang nagkasala sa kanila, may jurisdiction sila sa ating mga sundalo,” ani Casto.
Wala na rin aniyang balita kung napagsilbihan ni Smith ang kanyang sentensya sa Amerika matapos itong patagong iuwi sa Amerika kahit nasentensyahan na ito sa Pilipinas ng 40 taong pagkakakulong.
“Isa pa kung bakit tayo lugi, yung mga sundalo natin, kailangan ng visa kapag pumunta sila sa Amerika pero itong mga US soldier na ito, yung VFA na mismo ang kanilang visa,” dagdag pa ni Castro.
Sa hiwalay na panayam naman kay Bayan Muna chairman at dating Congressman Neri Colmenares sa Kamara nitong Miyerkoles, hindi ito nababahala sa seguridad ng Pilipinas kapag nawala ang VFA.
“Bakit ang ibang bansa na wala naman VFA, hindi sila inaatake ng ibang bansa? Ang national security ay responsibilidad ng bawat bansa at hindi iyan responsibilidad ng Amerika,” ani Colmenares.
Hindi rin umano nakatutulong sa national security ng Pilipinas ang mga military hardware na ibinibigay ng Amerika sa Pilipinas dahil pinaglumaan na nila ito at mukha lang tinatambakan nila ng basura ang Pilipinas.
Hindi rin nababahala ang dating mambabatas sa pangambang gagantihan ng Amerika ang mga Filipino dahil kailangan pa rin ng mga ito ang Pilipinas at posibleng muling buhayin ang nasabing kasunduan kapag nawala na si Duterte.
“Posible yan (bagong VFA pagkatapos ni Duterte). Kasi marami pa ring mga congressman at senador ang pro-Amerika. Di ba noong isinusulong ang VFA na ito, maraming congressmen ang nagsasabi na maganda yan para sa bansa natin. Pero nung magalit si Duterte sa Amerika, tahimik sila pero kapag siguro wala na si Duterte, susuportahan na naman nila yan,” ani Colmenares. BERNARD TAGUINOD
203