(NI BERNARD TAGUINOD)
MAGKAKAROON ng raket ang mga senior citizens na matatalas pa ang isip kapag sinunod ng mga ahensya ng gobyerno ang mungkahi ng isang mambabatas na gawing ‘special consultant” ang mga ito.
Ayon kay Senior Citizen party-list Rep. Francisco Datol Jr., maraming senior citizens ang matatalas pa ang memorya kaya maaaring maging o gawing local historian ang mga ito ng Department of Tourism (DOT), Department of Interior and Local Government (DILG) at maging ang itatag na National Commission of Senior Citizens (NCSC).
“Semi-retirement as part-time local history and culture specialists is a viable livelihood option for many seniors who are still physically-able and whose minds are still sharp,” ayon sa mambabatas.
Ayon kay Datol, maituturing na “walking and living encyclopedias” ang mga senior citizens ukol sa local history ng kanilang lugar kaya malaki ang maitutulong ng mga ito sa pagrerekord ng kasaysayan.
“Their testimony, when preserved in video interviews, theses, and dissertations, will deepen their outreach linkages, academic research, and contribution to the nurturing of Philippine history and culture,” ayon pa sa kongresista.
Maaaring gamitin aniya ng mga nabanggit na ang ahensya ang mga mga State Universities and Colleges (SUC) para sa pagrerekord sa mga lokal na kasaysayan sa kanilang siyudad, munisipalidad at probinsya sa pamamagitan ng mga senior citizens sa kanilang lugar.
“Special consultants dapat ang turing sa senior citizens na tutulong bilang local history witnesses,” ayon pa sa kongresista
Gayunpaman, hindi sinabi ni Datol kung magkano ang ibabayad at sino ang sasagot sa consultancy pay ng mga senior citizens na kukunin ipang special consultants sa bawat probinsya.
135