SUPPLY NG HIV MEDS UBOS NA!

(NI BERNARD TAGUINOD)

HABANG multi-milyon ang halaga ng gamot na nasira at masisira na sa bodega ng Department of Health (DOH), nauubusan naman ang mga ito ng antiretroviral therapy (ART) para sa 38,279  human immunodeficiency virus (HIV) patients.

Ito ang nabatid kay Anakalusugan Rep. Mike Defensor matapos aminin ng DOH sa kanilang budget briefing sa Kamara na hanggang sa linggong ito, na lamang ang supply ng ART para sa mga pasyente ng HIV.

“We are puzzled that on one hand, the DOH is able to stockpile billions of pesos worth of medicines, some of which have become useless, while on the other hand, the department risks running out of some badly needed drugs,” ani Defensor.

Nabatid na hindi umano nakabili agad ang DOH ng nasabing gamot na kailangan na kailangan ng mga HIV patients gayung umaabot sa P18. 449 billion ang halaga gamot na kanilang binili noong 2015 hanggang 2018 na nakatengga lang sa kanilang bodega.

Kabilang na rito ang P367 million halaga ng gamot na nag-expire na at mag-eexpire na ngayong taon base sa report ng Commission on Audit (COA).

Mahalaga aniya ang ART sa mga may HIV dahil ito ang magpapahaba sa kanilang buhay kaya inirekomenda ng  World Health Organization (WHO) ang gamot na ito subalit mauubos na ngayong unang linggo ng Setyembre.

“The uninterrupted supply of drugs in HIV treatment hubs is crucially important because apart from the  38,279  cases already on ART, another 900 Filipinos are being initiated on ART every month,” ani Defensor.

Dahil dito, nangangamba ang mambabatas sa magiging kalagayan ng mga HIV patients sa bansa dahil wala na silang magagamit na gamot para humaba pa ang kanilang buhay at makatulong sa lipunan.

Dismayado rin ang mambabatas dahil ang nasabing bilang lang ang tinutulungan ng DOH gayong  67,395 na umano ang naitala ng National HIV and AIDS Registry noong Mayo 2019, na may HIV sa bansa.

 

132

Related posts

Leave a Comment