(CHRISTIAN DALE)
PINALAGAN ng Malakanyang ang inilabas na survey ng SWS na nagsasabing mayorya ng mga Pilipino ay naniniwalang sangkot pa rin ang ilang mga pulis sa kalakaran ng iligal na droga, extrajudicial killings at nagtatanim ng ebidensiya sa mga drug suspects.
Sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, na sana ay naisama rin sa survey ng SWS ang tungkol sa magaganda namang nagawa ng mga pulis laban sa anti-drug war.
Mas mabuti sana, ani Panelo, na nailahad sa survey ang pagkalagas ng 165 pulis bukod sa pagkakasugat ng 575 iba pa sa giyera sa droga ng administrasyon gayung ito ang magpapamukha sa mga kritiko na sadyang bayolente ang mga tulak at adik dahilan upang depensahan ng mga pulis ang kanilang sarili kaysa makaladkad sa isyu ng EJK.
Sa kabila nito ay tanggap naman ng Malakanyang na sadyang may mga bugok pa rin sa PNP gaya na lang sa kahit anong organisasyon o institusyon sa gitna ng pagkakasangkot ng ilang opisyal at personnel nito sa drug trade at pagtatanim ng ebidensiya sa mga suspek.
Magkagayon man, aniya ay ginagawa naman ng pulisya ang lahat para matanggal ang mga bugok na pulis sa PNP sa pamamagitan ng nilikha nitong Counter-Intelligence Task Force o CITF.
136