TAX INCENTIVES SA MSMEs ISINULONG NI REP. NOGRALES

BINIGYANG DIIN ni Rizal, 4th District Rep. Fidel Nograles ang pagsusulong na mabigyan ng insentibo ang maliliit na negosyo sa kanyang pagdalo bilang panauhin pandangal sa “2023 Productivity Olympics” ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ginanap sa Crowne Plaza Manila Galleria sa Quezon City kamakailan.

“Katuwang po natin ang DOLE sa pangunguna ni Secretary Laguesma, sa pagkilala sa mga dalubhasang negosyante sa ating bansa sa larangan ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs) dahil sa kanilang mga adhikain,” ito ang sinabi ni Cong. Nograles sa kanyang pananalita sa nasabing okasyon.

“Nagkaroon din po tayo ng pagkakataon na ipaliwanag ang ating panukalang batas sa Kongreso para sa MSMEs, House Bill 6683 o ang Enterprise Productivity Act na naglalayong maghandog ng tax incentives para sa productivity,” ayon pa sa mambabatas mula sa Montalban, Rizal.

Ayon pa sa kanya, patuloy rin ang kanyang panawagan sa ating mga kababayan na matutong magnegosyo at magkaroon ng pandagdag kita o sideline tulad ng pagtitinda o sari-sari store upang umasenso at makaahon mula sa kawalan ng kabuhayan.

Aniya, dahil dito, patuloy ang pag-arangkada ng kanyang Forward Negosyo katuwang ang DOLE kung saan namahagi sila ng food carts na may bisikleta at iba’t ibang kasangkapan, rekados, at kagamitang panluto para sa siguradong patok na negosyong street foods tulad ng siomai, siopao, lechon manok, beef pares, pork sisig, mangga with bagoong, nilagang mais, banana cue, at puto bumbong.

Nagbigay rin ng seminar at pagsasanay ang DOLE upang turuan ang ating mga kababayan kung paano palaguin at pagyamanin ang maliit na negosyo. “Patuloy naman po tayong nakaagapay at nakaalalay sa ating mga maliit na negosyante upang sabay-sabay po tayo aahon mula sa kahirapan,” aniya pa.

Bilang chairperson ng Labor and Employment Committee ng House of Representatives, pinuri ni Nograles ang pagpirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., para maging batas ang Trabaho Para sa Bayan (TPB) ACT.

“We thank Pres. Ferdinand Marcos, Jr. for signing the Trabaho Para sa Bayan Act. This is a necessary measure that will provide more jobs to Filipinos, ” ayon sa mambabatas mula sa Rizal 4th District.

Dumalo rin sa “2023 Productivity Olympics” si DOLE Secretary Bienvenido Laguesma at iba pang mga opisyal ng nabanggit na departamento ng gobyerno.

(JOEL O. AMONGO)

287

Related posts

Leave a Comment