TRASLACION 2022, MISA PINASUSUSPINDE NI DU30

HINIKAYAT ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang simbahan na iwasan ang mass gatherings sa pagsuspinde sa tradisyonal na Traslacion at misa para sa Itim na Nazarene ngayong tumataas ang COVID-19 infections sa bansa.

“Itong procession na ito, it’s a very important event for the Roman Catholic Church. Now, I have to appeal to them for their understanding and to really look at it in the broader context of our liability to the people if we do not act correctly,” ayon sa Pangulo sa kanyang Talk to the People, Martes ng gabi.

Hindi aniya lingid sa kanyang kaalaman na milyon katao ang deboto ng Itim na Nazareno at hindi dapat na maging kampante ang lahat sa transmission ng nasabing sakit.

Inulit ng Chief Executive ang sentimyento ng Department of Health, na umapela ng suspensyon ng taunang prusisyon ng Pista ng Itim na Nazareno.

Tuwing ika-9 ng Enero, ipinagdiriwang ng mga deboto ang Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila.

Liquor ban

Kaugnay nito, ipatutupad ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang liquor ban mula Enero 8 hanggang 10.

Sa isang pulong balitaan, inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno na nilagdaan nito ang isang executive order na nagbabawal sa pagbebenta ng nakalalasing na inumin mula alas-6:00 ng gabi ng Enero 8 hanggang alas-6:00 ng umaga ng Enero 10 kaugnay sa Kapistahan ng Nazareno.

“I just signed an executive order prohibiting the sale of liquor and other alcoholic beverage beverages and directing to strictly implement Ordinance 5555 sa panahon ng kapistahan ng Nazareno,” ayon kay Moreno.

Kasabay nito, pinasalamatan ng alkalde ang pamunuan ng Quiapo Church dahil pinagbigyan nito ang kahilingan ng pamahalaang lungsod na kanselahin muli ang tradisyunal na Traslacion ngayong taon at wala ring physical masses na isasagawa.

Pumayag aniya ang pamunuan ng Quiapo church na magdaos na lamang sila ng online masses.

Una nang inanunsiyo na sarado ang Quiapo church mula Enero 3 hanggang 6, 2022 dahil sa patuloy na pagdami ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa. (CHRISTIAN DALE/RENE CRISOSTOMO)

125

Related posts

Leave a Comment