(NI DAHLIA S. ANIN)
SA kabila ng malakas na ulan na dulot ng bagyong Falcon at ng Habagat, hindi pa rin tumaas ang lebel ng tubig sa Angat dam.
Sa tala ng Pagasa ng alas 6:00 ng umaga ng Huwebes bumaba pa sa 158.27 ang antas ng tubig sa Angat Dam mula sa 158.38 meters noong Miyerkoles.
Bahagyang tumaas naman ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam mula sa 72.53 umakyat ito sa 72.73. Pati ang Ipo dam na mula sa 99.35 noong Miyerkoles ay naging 100.43 metro ito ng Huwebes.
Ang Ambuklao Dam naman ay ganoon din sa 741.76 metro ay naging 742.22 metro na ito. Gayundin ang Binga Dam mula sa 567.69 metro ay tumaas ito sa 567.92 meters, ang San Roque dam din na dating 230.55 metro ay umakyat din sa 230.81 metro. Mula naman sa 188.89 meters umakyat din sa 188.91 ang Pantabangan Dam.
Sa kabila nito, nanatiling pababa ang lebel ng tubig sa Magat Dam na mula sa 180.39 meters at bumama sa 180.36 meters at ang Caliraya Dam na mula sa 286.83 meters ay bumaba pa sa 286.65 meters.
Patuloy naman ang water interruption na ipinapatupad ng Maynilad at Manila Water at pinapayuhan ang kanilang mga consumer na makiisa sa pagtitipid ng tubig hanggang sa tuluyang makabawi ang mga nasabing dam.
115