VISION SCREENING SA MGA PASLIT, AARANGKADA

angara12

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

MAAGA nang malalaman ng mga magulang kung may diperensya sa mata ang kanilang mga anak sa pag-arangkada ng Vision Screening Program ng gobyerno.

Kasunod ito ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act 11358 o ang National Vision Screening Act.

Ayon kay Senador Sonny Angara, pangunahing may-akda ng batas, mahalagang programa ito para matukoy agad ng mga magulang sa murang edad ng kanilang mga anak ang problema sa mata ng mga ito.

Sinabi ni Angara na sa pamamagitan nito magiging komportable ang mga magulang dahil maaagapan na ang problema sa mga mata ng mga batang sasailalim sa screening habang sila ay kindergarten pa lamang.

“Ang problema sa mga bata na edad 5 o 6 ay hindi pa nila alam kung may problema na sila sa mga mata nila. Kadalasan ang nangyayari ay sa panahon na nalaman ng mga magulang nila na may problema ay malala na ito at mahirap nang maagapan,”saad ni Angara.

“Once we have the vision screening program in place in all kindergarten levels of schools, then the parents will be able to immediately consult their eye doctors to treat the eye or visual problems of their children,” dagdag ng senador.

Sa ilalim ng batas, ipatutupad ang  vision screening program ng Department of Education (DoH), katuwang ang Department of Health (DoH) at Philippine Eye Research Institute.

Isasailalim ang mga guro sa training bago ipamahagi sa mga paaralan ang mga vision screening kits, na binubuo ng mga charts na may symbols o numbers at transparent response key.
Bubuo rin ng vision screening database  para mamomonitor ang resulta at babalangkas naman ang Philippine Health Insurance Corporation ng  benefit package para sa consultation at treatment ng anumang diperensya sa mata ng mga bata.

“Hindi naman kasi lahat ng pamilya ay may kakayahan na gumastos para sa pagpapagamot ng mga sakit sa mata ng anak nila. Ayaw naman natin na mangyari na papabayaan na lang ang ito dahil sa walang pera na pang check up at pambili ng salamin,” diin ni Angara.

 

153

Related posts

Leave a Comment