VP SARA SINOPLA SA ‘POLITICAL HARASSMENT’

SINOPLA ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na bahagi ng political harassment ang mga isyung ipinupukol sa kanyang pamilya.

Ayon kay ACT Teacher party-list Rep. France Castro, ngayon lamang naglakas-loob ang lahat na panagutin ang mga nasa likod ng mga krimen na nangyari noong nakaraang administrasyon dahil noong panahon aniya ng ama ng bise presidente na si dating pangulong Rodrigo Duterte ay binubusalan, tinatakot at sinasamahan ng mga gawa-gawang kaso.

“Noong panahon ni dating pangulong Duterte sa posisyon lahat ng pumuna o nagsalita laban sa kanyang polisiya ay hinarass, sinampahan ng gawa-gawang kaso at kinulong, madami rin ang pinatay. Ngayon na naghahanap ng katarungan ang mamamayan laban sa mga pang-aabusong yun ay sasabihing ‘political harassment’ para lang pagtakpan ang kanilang mga kasalanan,” ani Castro.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos sabihin ng batang Duterte na political harassment ang pagdadawit sa kanyang asawa na si Atty. Mans Carpio, kapatid na si Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte sa drug importation noong 2018 na lumabas sa unang imbestigahan ng Quad Committee ng kamara.

Bukod sa nasabing isyu ay iniimbestigahan din ng komite sa extrajudicial killings noong nakaraang administrasyon at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na pinapasok ng dating pangulo na ginagamit umano para hugasan ang perang galing sa ilegal na droga.

“Harapin na lang nila ang mga isyu na pinupukol sa kanila at lumaban ng patas hindi tulad ng mga ginawa nila sa mga biktima ng kanilang rehimen. Kami na sinampahan ng gawa-gawang kaso ay hinarap ito pero ang mga Duterte ay ni hindi man lang humarap o nagpaliwanag ng maayos sa kahit anong kaso o isyu na inilatag sa kanila,” ayon pa kay Castro.

Ayon naman kay Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., nasa Gabinete pa aniya si Duterte nang simulang imbestigahan ng Kamara ang illegal drug trade na nagsimula sa drogang nakumpiska sa bodegang pag-aari ng mga Chinese nationals sa Mexico Pampanga noong nakaraang taon na konektado sa POGO.

“Trabaho lang, walang personalan ito. Part of our mandate as legislators is to ferret out the truth. Should we shirk from our sworn duty only because the husband and brother of the VP are allegedly involved in the smuggling of illegal drugs?” ayon pa kay Gonzales. (BERNARD TAGUINOD)

56

Related posts

Leave a Comment