MAY shifting na sa mga klase sa halos lahat ng paaralan bago pa nagkaroon ng pandemya sa COVID-19 noong 2020.
Ito ang sagot ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines kaugnay ng direktiba ng Department of Education (DepEd) sa mga eskwelahan na magpatupad ng shifting upang maresolba ang kakulangan ng silid-aralan.
“Sa buong National Capital Region, malaking mayorya ng mga paaralan ay naka dalawang shift na bago pa magpandemya. May mga tatlong shift pa nga,” ani Vladimer Quetua, chairperson ng nasabing grupo.
Maging sa Region 4-A o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay naka-shifting na umano ang karamihan sa mga paaralan.
“Patunay ito na matagal nang ginagamit bilang band-aid solution ang class shifting sa problema ng kakulangan sa classroom,” ayon pa kay Quetua kaya wala na aniya sa lugar ang direktiba ng DepEd.
Sa katunayan aniya, alas-sais pa lamang ng umaga ay nagkaklase na para makapasok lamang ang lahat ng mga estudyante.
Dahil dito, may mga klase pa rin umano kahit alas-sais o kaya alas-siyete ng gabi dahil sa ipinatupad na shifting hindi lamang sa Metro Manila kundi sa halos lahat ng probinsya.
“Kaya madilim pa o madilim na ay nasa kalsada ang mga bata. Mas maikli rin ang oras ng pagtuturo kaya kailangang iratsada ang mga leksyon na hindi mainam sa kalidad ng pagkatuto. Mas malala sa mga paaralan na may tatlong shift,” dagdag pa ni Quetua.
Dahil dito, hinamon ng nasabing grupo ng public school teachers ang bagong liderato ng DepEd na resolbahin ang kakulangan ng silid-aralan upang maturuan nang husto ang mga estudyante. (BERNARD TAGUINOD)
177