SUPORTA SA MGA PELIKULANG PILIPINO

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

KAGAYA ng nagdaang holidays, isa sa mga inaabangan tuwing panahon ng kapaskuhan ang taunang Metro Manila Film Festival o MMFF. Puno ang mga sinehan lalo na’t nagiging bonding activity na ito ng mga pamilya at magkakaibigan.

Hindi lamang isang selebrasyon ng sining at kultura ang MMFF, nagbibigay ito ng oportunidad at pagkakataon na kilalanin at bigyang-pugay ang galing at talento ng ating mga lokal na filmmaker, artista, at manggagawa sa industriya ng pelikula.

Maganda ang line-up ng MMFF dahil tampok ang mga pelikulang hindi lamang nakatutok sa komersyal na tagumpay kundi pati na rin sa kalidad at lalim ng nilalaman. May balanse ng iba’t ibang genre, mula sa mga family drama at thrillers, hanggang sa dramedy at musicals.

Kabilang sa mga tampok na pelikula ang Green Bones na kahit na sinong makausap ko, talagang nagandahan dito kaya nga deserve naman na kinilala itong Best Picture. Nagbigay ito ng malalim na pagtingin sa katarungan at moralidad sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng mga kasalanan, pagkukulang, at pag-asa ng tao. Kung tutuusin, nagbibigay paalala rin ang pelikula na sa pinakamadilim na sulok ng ating pagkatao, may puwang pa rin para sa kabutihan.

Hindi rin nagpahuli ang The Kingdom, na halos lahat ng review ay sinasabing kakaibang Vic Sotto ang mapapanood dito. Para itong isang pagsasalaysay ng alternatibong kasaysayan ng Pilipinas kung hindi tayo sinakop ng mga dayuhan — isang bansang nagkaroon ng ibang pagkakakilanlan.

Marami pang ibang pelikula na tampok sa MMFF ang may dalang bago at interesting na mga kwento.

Kahit na hindi barya ang bayad sa sinehan, marami ang sinisigurong mapapanood nila ang paborito nilang mga artista o kaya naman, makapag-uuwi ng magandang karanasan o malilibang mula sa mga pelikulang tampok ang pinakamagagaling sa industriya.

Mahalaga ang ating suporta para sa mga pelikulang Pilipino, lalo na’t kitang-kita ang pag-evolve ng mga palabas at talaga namang ang hirap mamili kung anong pelikula ang dapat suportahan dahil maraming magagandang reviews mula sa mga nakapanood na at pati na rin sa mga propesyonal na kritiko.

Kung tutuusin, maraming pelikula ang nagsisilbing salamin ng ating lipunan. Sa pamamagitan ng malikhaing pagku-kwento, naipakikita ng mga palabas na ito ang ating kasaysayan, kultura, at mga kwentong nag-uugnay sa ating lahat.

Sa likod ng bawat pelikula ang mga natatanging kakayahan ng mga Pilipino — kabilang ang libu-libong manggagawa sa industriya ng pelikula, mula sa mga cameraman, editor, hanggang sa mga stylist at sound engineer. Sa bawat tiket na binibili natin, sinusuportahan natin ang kanilang kabuhayan at binibigyan natin sila ng inspirasyong gumawa pa ng mas marami at makabuluhang palabas.

Hindi naman natin maikakaila na laganap na ngayon ang streaming platforms kagaya ng Netflix, Amazon Prime, HBO Max at Disney+ na pawang nagbibigay ng convenient na paraan para makapanood tayo ng mga paboritong palabas, at maka-discover pa ng mga pelikula at seryeng magugustuhan natin.

Pero importanteng huwag din natin kalimutan ang iba pang likha ng mga kapwa natin Pilipino — lalo na’t matinding pamumuhunan talaga ng galing, oras at iba pang resources ang kailangan para mabigyan tayo ng magagandang pelikula.

Ang pagsuporta sa mga pelikulang Pilipino ay isa ring paraan ng pagmamalasakit sa ating sariling industriya. Sa pagbili ng tiket, hindi lamang natin sinusuportahan ang pelikula kundi ipinakikita rin natin na may halaga ang likha ng mga Pilipino.

116

Related posts

Leave a Comment