Walang kapaguran sa pag-iikot sa Rizal 2nd district TULOY-TULOY NA AYUDA, HATID NI REP. NOGRALES

TILA hindi napapagod si Cong. Fidel Nograles sa pagbibigay ng ayuda sa kanyang mga nasasakupan sa 2nd District ng Rizal partikular ang mga nasa sektor ng transportasyon na isa sa mga labis na naapektuhan ng pinaiiral na community quarantine.

Kabilang sa mga naabot ng tulong ng mambabatas ang mga miyembro ng Tricycle Drivers and Operators Association (TODA) sa Brgy. San Isidro, Montalban sa nasabing lalawigan.

Nitong nakaraang Miyerkoles ay muling nag-ikot si Cong. Nograles para mamahagi ng tulong pinansyal sa halos 600 hanggang 700 miyembro ng TODA na kinabibilangan ng SIM TODA, East Wing TODA at CENTELLA na pawang nasa bayan ng Montalban.

Bagama’t pinayagan nang makabiyahe ang mga tricycle sa Montalban ay minabuti pa rin ni Cong. Nograles na bigyan ng ayuda ang mga driver dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nakakarekober sa matagal na pagkakatambay.

Noong nakaraang Mayo ay namigay rin ng ayuda si Cong. Nograles sa humigit kumulang 800 pedicab drivers sa Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, Montalban na inabot ng gabi.

Hindi natapos ang pamamahagi ng ayuda sa nasabing araw kaya bumalik ang grupo ni Cong. Nograles kinabukasan upang matiyak na maaabutan ng tulong ang lahat ng operators at drivers sa lugar.

Sa kanyang mga pag-iikot ay kasama ng mambabatas ang kanyang staff at ilang kagawad ng pulisya upang masigurong nasusunod ang physical distancing.

Mahigit dalawang buwan na hindi nakapamasada ang mga tricycle sa bayan ng Montalban at iba pang mga lugar sa bansa kabilang ang Metro Manila dahil sa ipinatupad na lockdown bilang pag-iingat sa COVID-19 pandemic.

Kamakailan ay pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga tricycle na makabiyahe matapos isailalim sa general community quarantine (GCQ) ang ilang bahagi ng Luzon basta tiyakin lamang ang physical distancing sa mga pasahero. (JOEL O. AMONGO)

181

Related posts

Leave a Comment