MALUGOD na binati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kapatid sa Inang Bayan, sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.
Sinabi ng Pangulo na napapanahon na paalalahanan ang mga sarili na ang Pilipino ay hindi limitado sa mga salitang likas lamang sa Tagalog bagkus aniya ay isang kalipunan ng iba’t ibang wika sa buong kapuluan, na naglalayong magbuklod sa ating lahat tungo sa pagsulong ng mas maunlad at nagkakaisang Republika.
“Ngayon, higit kailanman, panatilihin nating matatag ang ating lingwistikong pundasyon sa Filipino, dahil ang sarili nating wika ang ating magiging batayang lakas sa paglinang sa ating kultura habang nakikiayon sa agos ng makabagong panahon. Isaisip at isapuso natin na tayo lamang ang makapagpapatibay ng wikang taal sa ating pagkakakilanlan,” ang bahagi ng mensahe ni Pangulong Marcos.
Umaasa ang Punong Ehekutibo na ang bawat isa ay makikilahok sa intelektwalisasyon ng Pilipino, nang sa gayon ay mabago na sa kamalayan na ang pagsasalita ng banyagang wika ay hindi ang natatanging pamantayan ng karunungan,.
Tiyak aniya na sasagana, sisigla, at liliwanag ang kinabukasan ng lahat kung itataguyod nang buong dangal at pagmamahal ang wikang pambansa.
“Maligayang pagdiriwang sa lahat. Mabuhay ang Pilipinas at ang wikang Filipino!,” ang pagbati ni Pangulong Marcos. (CHRISTIAN DALE)
1577