Natakasan ng 3 preso KAWIT POLICE CHIEF, TAUHAN SIBAK

CAVITE – Nahaharap sa kasong command responsibility, administratibo at kriminal ang hepe ng Kawit Police Station at duty jailer makaraang makapuga ang tatlong preso mula sa Custodial Center ng Kawit Police Station sa bayan ng Kawit sa lalawigang ito, noong Lunes ng gabi.

Ipinag-utos ni Regional Director B/Gen. Eliseo Cruz ang pagsibak kina P/Major Joel Palmares, chief of police ng Kawit MPS, at P/SSgt. Ryan de Guzman, duty jailer, dahil sa insidente.

Bukod sa pagkakasibak sa pwesto, mahaharap din si Palmares sa kasong administratibo para sa command responsibility habang kasong administratibo at kriminal ang haharapin ni De Guzman.

Kinilala naman ang pumugang mga preso na sina Tristan Antonio, 19, may kasong theft; Jon-Jon Esquillo Cortesano Potes, 22, may kasong ilegal na droga, at Rhino Reyes Ortega, may kasong carnapping.

Nabatid na si Ortega ay agad nadakip ng mga awtoridad kinagabihan.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng inspeksiyon sa Kawit Custodial Facility sa Brgy. Putol ng nasabing bayan si De Guzman dakong alas-6:30 noong Lunes ng gabi nang madiskubreng sira na ang padlock ng gate ng kulungan at nang bilangin ang mga preso ay kulang ito ng tatlo.

Iniimbestigahan din kung paano nasira ang nasabing padlock na hindi narinig o napansin ng duty jailer dahil ang kulungan ay nasa loob lamang ng police station at malapit sa desk officer. (SIGFRED ADSUARA)

121

Related posts

Leave a Comment