NATUTULOG NA 15-ANYOS NAGULUNGAN NG TRUCK NG AMA

DEAD on the spot ang isang 15-anyos na batang lalaki matapos magulungan ng isang dump truck na minamaneho ng kanyang ama sa demolition site ng lumang city hall ng Pasig, na sakop ng Brgy. San Nicolas, noong Huwebes, Mayo 23.

Idineklarang wala nang buhay ang biktima dakong alas-2:00 ng hapon ni Dr. Bernard San Marcos ng Pasig Emergency Unit, na kaagad nagresponde sa nasabing insidente.

Ayon sa paunang ulat, dakong alas-1:45 ng hapon, naramdaman umano ng driver ng dump truck na parang may nagulungan siya.

Kaagad itong bumaba ito at tiningnan ang ilalim ng truck at tumambad sa kanya ang isang korteng katawan ng tao na bahagya umanong nakabaon sa lupa na natatakpan ng asul na lona.

Nalaman ng mga wtoridad na natutulog umano ang bata sa ilalim ng truck at ginawang “banig” at “kumot” ang lona na hindi naman napansin ng driver na ama nito.

Matapos ang insidente, agad na humingi ng tulong ang driver sa mga kasamahan nito dahil kinailangan pang hukayin ng kaunti ang labi ng bata.

Dumating din sa demolition site sina Police Corporal Danga at Patrolman Sasotana ng Pasig City Police Station at inaresto ang driver na si Richard Balangui, 41, para isailalim sa imbestigasyon.

Tinitingnan ngayon ng mga awtoridad ang isyu kung paano nakalusot at kung nagtatrabaho nga ba kasama ng kanyang ama ang biktimang si Charles Balangui, isang Grade 5 na estudyante, at residente ng Brgy. Pinagbuhatan.

Kung mapatutunayan, posible umanong mananagot ang mga kinauukulan dahil sa paglabag sa child labor law, occupational safety regulations at kasong kriminal sa kontratista.

Sinabi naman ng lokal na pamahalaan ng Pasig na bukod sa pagpapadala ng emergency personnel sa demolition site, nakikipagtulungan din sila sa imbestigasyon kasama ang Pasig City Hall Construction Consortium (PCHCC).

Matatandaan, sinimulan na ang demolition ng lumang Pasig city hall at karatig na mga gusali para bigyang daan ang proyektong bagong city hall complex na nagkakahalaga ng mahigit P9 bilyon na inanunsyo ni Mayor Vico Sotto noong 2024.

(NEP CASTILLO)

42

Related posts

Leave a Comment