INIHAYAG nitong Lunes ng umaga ni Navotas City Mayor Toby Tiangco, lumagda na rin siya ng kasunduan sa AstraZeneca nitong Enero 10.
“Pinirmahan po natin kahapon ang kasunduan para makabili po tayo ng 100,000 doses ng bakuna laban sa COVID-19 sa AstraZeneca pharmaceutical company,” ayon sa alkalde.
Paliwanag ni Tiangco, dahil dalawang dosage ang kailangan ng bawat tao, 50,000 Navoteño ang unang mabibigyan ng bakuna na inaasahang darating sa ikalawang bahagi ng 2021.
Muling pinaalalahanan ng alkalde ang nasakaupan na manatiling maingat at sundin ang safety protocols habang hinihintay ang bakuna. (ALAIN AJERO)
