NILAGDAAN ni Navotas Mayor Toby Tiangco noong Huwebes ang Ordinance No. 2021-62 o ang General Pandemic Amnesty Program.
Ayon sa Ordinansa, ang mga multa, interes, surcharges at iba pang karagdagang bayarin mula Enero 2020 hanggang Disyembre 2021 sa lahat ng hindi bayad na buwis, regulatory fees at service charges ay ibabasura basta’t magbayad ang taxpayers sa kanilang accounts mula Enero hanggang Hunyo 30 ng susunod na taon.
“Many of our constituents suffered financial instability because of the pandemic. Now that they are trying to get back on their feet and earn a living, we want to provide them an easy way to pay their dues without adding to their financial burden,” ani Tiangco.
Ang pandemic amnesty program ay bukas para sa lahat ng delingkwenteng accounts kaugnay ng business permit at buwis, maging real property taxes, kabilang ang idle lands sa loob ng teritoryo ng Navotas, at paglilipat ng real property ownership.
Sakop din ng programa ang regulatory fees at service charges sa mga permit, lisensya, prangkisa, at iba pang serbisyo ng pamahalaang lungsod gaya ng parking fees at multa sa mga paglabag.
Pakikinabangan din ang programa sa local tax cases at mga nakabinbing protesta saang mang judicial, quasi-judicial o administrative bodies, basta’t pumasok ang dalawang panig sa compromise agreement sa Marso 30, 2022 o bago ang nasabing petsa at ayusin ang lahat ng kanilang tax liabilities sa lungsod hanggang katapusan ng Hunyo 2022.
Magugunitang kasunod ng muling pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa Metro Manila, ibinasura ng Navotas, sa ilalim ng City Ordinance 2021-51, ang surcharges, multa at interes ng lahat ng lokal na buwis at multang kailangang bayaran at na-assess mula Agosto 6 hanggang Oktubre 31, 2021. (ALAIN AJERO)
