INSIGHT Ni DR BERNIE R. ANABO, JR
MARIING kinondena ni National Bureau of Investigation Deputy Director for Regional Operations Atty. Antonio Pagatpat ang maling paratang sa kanya ng isang opinion writer na isinangkot siya sa bayaran sa illegal na “Peryahan” operations sa probinsya ng Albay pati na ang pag-aresto sa isang POGO operator sa Metro Manila.
Sa isang opisyal na pahayag na inilabas ng opisina ni Deputy Director for Regional Operations Atty. Pagatpat, ang pagkondena ay bunga ng “inaccuracy and falsity in the material facts raised”.
Sabi ni DDROS Atty. Pagatpat, ang Peryahan ng Bayan Games (PNB) ay matagal nang “denied by Pres. Rodrigo Duterte from continuing its operations”… “Nag-request” si PCSO Acting General Manager Royina Garma sa NBI na magsagawa ng “law enforcement assistance” laban sa illegal gambling operators sa Albay.
Nilinaw ni DDROS Atty. Pagatpat na hindi siya ang team leader sa naturang NBI operation sa Albay na gumamit ng “alias Pagatpat” dahil siya ay nakabase sa Manila.
Dinagdag pa ni DDROS Atty. Pagatpat, hindi humingi o kumolekta ng ano mang pera ang NBI mula sa illegal gambling operators na gaya ng nasulat sa naturang opinyon.
Ayon kay DDROS Atty. Pagatpat, may nahuling 29 katao na sangkot sa illegal na sugalan at naipresinta para sa inquest proceedings sa Office of the Provincial Prosecutor ng Albay na nakalista sa Docket No. V-08L-INQ-22F-00054. Ito ay para sa paglabag sa illegal gambling sa ilalim ng PD No. 1602 na inamyendahan ng Rep Act No. 9287 kung saan mas mataas na parusa ang ipinapataw.
Nakakita ang Inquest Prosecutor ng “probable cause” na ang mga krimen ay ginawa ng mga naaresto kaya’t ang kaso ay inakyat na sa korte. Ang paghahain ng kaso sa korte ay magbibigay sa mga naaresto ng pagkakataong magpiyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Samantala, sinabi ni DDROS Atty. Pagatpat, ang isinagawang pag-aresto sa POGO operator na si Willy King sa bisa ng search warrant sa Manila noong May 22 ay sa ilalim ng NBI-Cybercrime Division. Ang NBI-Cybercrime Division ay wala sa kanyang “control and supervision”.
Ayon sa opisyal na pahayag, “NBI recognizes the freedom of the press, the media should at least give the NBI an opportunity to comment, in the interest of accuracy and fair play, before the opinion was published”.
Nagbabala si DDROS Atty. Pagatpat na dapat lamang bigyan ng karampatang aksyon ang gawain ng mga tiwaling tao ng NBI at sa mga iresponsableng panulat upang maputol na ang ganitong gawain.
May punto si Atty. Pagatpat dahil hindi dapat nagsusulat o nagkokomento sa mga bagay na hindi malinaw ang puno’t dulo o kung hindi batid kung ano ang totoo.
243
