NCR, 5 pang rehiyon CRITICAL RISK PA RIN SA COVID-19

NANANATILING nasa ilalim ng critical risk para sa COVID-19 ang Pilipinas, partikular ang Kalakhang Maynila at 5 pang rehiyon sa bansa sa kabila ng pagbagal ng growth rate ng infections.

Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Lunes ng gabi ay sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na bukod sa metropolis, ang Cagayan Valley, Ilocos Region, Calabarzon, Cordillera Administrative Region at Central Luzon ay nasa critical risk din.

Aniya pa, ang percentage ng increase for daily reported cases ay bumaba na.

Mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 27, ang average daily cases ay 314.

Ngunit mula Disyembre 28, 2021 hanggang Enero 3, 2022, ang kaso ay sumampa hanggang 2,592 na mas mataas ng 725%.

“Subsequently, average daily cases from January 4 to January 10 were higher by 680% with 20,462 infections. But on January 11 to January 17, average daily cases were higher by 71% with 34,923 daily cases. So bumabagal, bumababa ang porsiyento ng pagtaas,” ayon kay Duque.

“Meanwhile, all other regions are at high risk classifications,” dagdag na pahayag nito.

Sa ulat naman ni Interior Secretary Eduardo Año, sinabi nito na may kabuuang 540 lugar ang inilagay sa ilalim ng granular lockdown. Karamihan sa mga ito ay mula sa Region 2 na mayroong 191 lugar, sinundan ng Cordillera Administrative Region na may 143 at Region 1 na may 123.

May kabuuang 31 lungsod at munisipalidad at maging 268 villages naman ang apektado ng granular lockdown.

Iniulat din ni Año na mayroong 4,801 active infections sa Interior department, kabilang na siya.

Sa nasabing bilang, karamihan ay mula sa Philippine National Police na mayroong 4,015 kaso.

Binanggit din ng Pangulo sa kanyang Talk to the People na ang coronavirus (COVID-19) ay nananatiling “top threat” sa mga Pilipino maliban sa New People’s Army (NPA).

“The number one threat to the Filipino today, aside from itong NPA and the terrorist, is really the COVID-19 fight,” ani Pangulong Duterte.

“It is really a debilitating sickness and a lot of Filipinos are — kasi contagion ‘yan, eh. Hawa-hawa. Mabilis,” dagdag na pahayag nito sabay sabing “That keeps us worried in the coming months.”

Umaasa naman ang Chief Executive na ang COVID-19 cases sa bansa ay umabot na sa peak o rurok.

Sa pagdinig naman kahapon ng House committee on health ay inamin ng DOH ang presensya ng Omicron variant sa 13 rehiyon sa Pilipinas.

“Our latest whole genome sequencing showed that the Omicron variant is now the predominant variant in the National Capital Region. It’s also detected in 13 of 17 regions,” ani DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea de Guzman.

Hindi idinetalye ni De Guzman kung anong mga rehiyon ang nakitaan na ng Omicron variant subalit kasama aniya rito ang National Capital Region (NCR) na siyang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 mula nang pumasok ang bagong taon.

Kapansin-pansin din aniya ang pagtaas ng Covid cases sa lahat ng rehiyon, probinsya, highly urbanized cities at mga independent component cities sa mga nagdaang dalawang linggo.

Gayunpaman, may mga lugar pa rin aniya na mababa ang kaso kumpara sa mga nakikita sa NCR Plus na kianbibilangan ng Cavite, Laguna, Bulacan, at Rizal.

Sa mga nagdaang araw, hindi bababa sa 37,000 ang naitatalang kaso subalit aminado ang DOH na posibleng hindi ito ang totoong bilang ng mga nagkakasakit dahil marami ang hindi nagpapa-test.

“Actually yes and even outside our country, it is underreported for several reasons. Number one, kapag hindi kayo nagpa-RT-PCR or hindi kayo nag-antigen, hindi kayo masasama sa bilang. But there are also those who are asymptomatic, unknowingly infected. Hindi natin nade-detect kaya hindi rin sila nabibilang doon sa total confirmed cases natin,” ayon pa kay De Guzman bilang pagsang-ayon sa tanong ng isang mambabatas na “understated” ang naitatalang kaso sa mga nagdaang araw. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

220

Related posts

Leave a Comment