NAGLABAS ng direktiba si Agriculture Secretary William Dar upang matiyak na tuluy-tuloy ang pagrarasyon ng mga baboy sa National Capital Region (NCR) sa loob ng 60 araw.
Nakasaad sa “Memorandum Order 14 series of 2021” ang hilera ng mga alituntunin sa pagbili ng baboy mula Pebrero 8 hanggang April 8 upang makapagrasyon ang mga negosyante mula sa ilang rehiyon sa Luzon, sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Dar, 15,000 kada linggo ang dadalhing ng baboy sa NCR.
Sa ganitong diskarte, inaasahang mapabababa ang presyo ng karneng baboy hanggang Abril 8 sa lahat ng mga palengke sa NCR.
Tiniyak ng kalihim na mababa ang presyo ng mga baboy dahil ang pagbili sa mga ito ay isasagawa sa pamamagitan ng tinatawag na “negotiated procurement process.”
Mula Pebrero 8 hanggang Abril 8 ang panahong pinaiiral ang price cap sa baboy at manok na itinakda ng Executive Order 124 (EO 124) na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte batay sa kahilingan ni Dar.
Ang 15,000 baboy kada linggo ay iba pa sa inaasahang malakihang bolyum ng mga darating na baboy mula sa iba’t ibang bansa. (NELSON S. BADILLA)
