ITINAAS sa blue alert status ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang lahat ng ahensyang sakop nito upang tiyakin ang kahandaan ng pamahalaan sa pananalasa ng Bagyong Basyang.
Nagbabala rin ang Office of Civil Defense (OCD) sa mga local government units at residente sa flood at landslide-prone areas na maging alerto at maghanda sa posibleng paglikas.
Ayon kay OCD Spokesperson Junie Castillo, naka-standby na ang buong response cluster ng pamahalaan upang matiyak ang mabilis at organisadong pagtugon sa anumang emergency.
Nagsagawa na rin ng pre-disaster risk assessment ang mga regional disaster councils upang mailatag ang mga paghahanda bago pa man maramdaman ang buong epekto ng bagyo.
Samantala, nagkansela na ng ilang biyahe ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) dahil sa masamang panahon.
Kabilang sa mga kanseladong flights ang Philippine Airlines flights 2P 2351-2352 at 2P 2382-2383 na biyaheng Cebu-Siargao at vice versa, gayundin ang flight 2P 2875-2375 na Clark-Siargao-Cebu at 2P 2973-2974 na Manila-Siargao at pabalik.
Pinayuhan ng CAAP ang mga pasahero na makipag-ugnayan sa kani-kanilang airline para sa rebooking o refund.
Nagpatupad din ng total sailing ban ang Philippine Coast Guard (PCG) sa buong lalawigan ng Eastern Samar kasunod ng gale warning sa lugar.
Ayon sa PCG, sakop ng pagbabawal ang lahat ng uri ng sasakyang-dagat upang maiwasan ang aksidente sa karagatan habang masama ang panahon.
Gayunman, pinapayagan pa ring makapaglayag ang mga barkong maghahanap ng masisilungan basta walang sakay na pasahero o kargamento at may written request mula sa kapitan o may-ari.
Nagtaas na rin ang PAGASA ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa ilang lalawigan sa Visayas at Mindanao habang patuloy na binabantayan ang galaw ng bagyo.
(JESSE KABEL)
2
