TARGET COLUMN NI KA REX CAYANONG
MAITUTURING na isang makabuluhang hamon ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sektor ng enerhiya sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).
Isa sa mga pangunahing institusyong tumugon dito ay ang National Electrification Administration (NEA), sa pamumuno ni Administrator Antonio Mariano Almeda.
Buong puso ang pagtanggap ng NEA sa panawagan ng Pangulo na pabilisin at palawakin ang pagbibigay ng maaasahan, abot-kaya, at sustainable na kuryente, lalo na sa mga liblib na lugar at mga pamayanang matagal nang walang serbisyo ng elektrisidad.
Ayon sa NEA, patuloy nilang paiigtingin ang ugnayan sa mga electric cooperative (ECs) upang maisakatuparan ang mas malawak na paggamit ng solar home systems at iba pang renewable energy technologies sa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs).
Bahagi ito ng mas malawak na layunin ng NEA na tiyaking walang komunidad ng Pilipino ang mapag-iiwanan sa pagtahak tungo sa inklusibo at pangmatagalang pag-unlad.
Sa ilalim ng 2023-2028 National Electrification Plan, pinalalakas ng NEA ang kampanya nitong maabot ang mas marami pang hindi pa nasasaklaw na mga sitio at barangay.
Tinitiyak din ng NEA ang patuloy na pakikipagtulungan sa Department of Energy (DOE) sa ilalim ng pamumuno ni Kalihim Sharon Garin.
Isa sa mga pangunahing pokus ng koordinasyon ay ang pagbibigay ng praktikal at pangmatagalang solusyon sa mga lugar gaya ng Siquijor at iba pang isla na may partikular na hamon sa enerhiya.
Sa kabuuan, mariing ipinahayag ng NEA ang kanilang pagkakaisa sa buong sektor ng enerhiya upang tuparin ang mandatong inilatag ng Pangulo.
Determinado silang maabot ang layuning mailawan ang bawat tahanang Pilipino, dahil naniniwala silang ang elektrisidad ang susi sa kaunlaran.
Ang panawagang ito ay hindi lamang isang teknikal na usapin.
Isa itong panlipunang pangako—na anoman ang layo o kalagayan ng isang komunidad, nararapat lamang na maramdaman nila ang benepisyo ng modernisasyon.
At sa ganitong adhikain, ang NEA ay buong tapang na umaakto bilang katuwang ng pamahalaan.
107 