NEA, PHILRECA AT TFK SANIB-PWERSA SA PAGBANGON NG TYPHOON VICTIMS

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA tuwing nananalasa ang malalakas na bagyo sa ating bansa, isa sa mga unang nawawala ay ang kuryente — at kasama nito, ang pag-asa ng mga komunidad na makabalik agad sa normal na pamumuhay.

Ngunit sa pagkakataong ito, muli na namang napatunayan na sa harap ng dilim, nariyan ang Task Force Kapatid (TFK) upang maghatid ng liwanag at pag-asa sa mga Pilipinong lubhang naapektuhan ng kalamidad.

Pinangunahan ng National Electrification Administration (NEA) sa ilalim ni Administrator Antonio Mariano Almeda, katuwang ang Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA) na pinamumunuan ni General Manager Janeene Depay-Colingan, ang Task Force Kapatid ay kasalukuyang nagsasagawa ng mabilisang pagkilos upang maibalik ang suplay ng kuryente sa mga lalawigang sinalanta ng Super Typhoon Uwan.

Sa pinakahuling ulat ng NEA, walo pang electric cooperatives — kabilang ang mga nasa Nueva Vizcaya, Quirino, Ifugao, Mountain Province, at Camarines Norte at Sur — ang nakararanas ng kabuuang power interruption, na nakaapekto sa mahigit 3.3 milyong kabahayan.

Sa panayam ng inyong lingkod sa programang “TARGET ON AIR” sa DZME 1530, binigyang-diin ni Administrator Almeda na ang agarang pagkilos ng Task Force Kapatid ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pabilisin ang lahat ng hakbang para maibsan ang hirap ng mga komunidad na sinalanta ng bagyo.

“Rest assured that the whole energy sector is in close coordination with all agencies,” ani Almeda. “We are importing linemen from the co-ops in Mindanao to augment the restoration process. It’s just a bit overwhelming because we have not yet fully recovered from Typhoon Tino.”

Kaugnay nito, iniulat ni GM Janeene Depay-Colingan na 32 team ng mga engineer, lineworker, at clearing crew mula sa walong rehiyon na hindi tinamaan ng bagyo, ang nagboluntaryong tumulong sa pagpapanumbalik ng kuryente sa Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, at Catanduanes.

Maging ang mga kooperatiba mula Visayas ay nagpadala ng 60 miyembro upang tumulong sa rehabilitasyon ng mga pasilidad sa Negros Island, Camotes Island sa Cebu, at Leyte, na tinamaan naman ng Bagyong Tino.

Hindi lamang ito simpleng operasyon ng teknikal na pagtulong — ito ay patunay ng malasakit, ng sama-samang pagkilos upang itaguyod ang pagbangon ng kapwa Pilipino.

Ang koordinasyon ng NEA, PHILRECA, mga lokal na pamahalaan, at mga pribadong sektor ay sumasalamin sa isang gobyernong kumikilos, hindi lang nangangako.

Habang nagpapatuloy ang trabaho ng Task Force Kapatid, patuloy ring mino-monitor ng NEA-Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD) ang sitwasyon ng 60 electric cooperatives sa 39 probinsya.

Kaya sa bawat bombilyang magliliwanag, nasusukat ang diwa ng pag-asa at katatagan ng bayan — na kahit ilang bagyo pa ang dumating, mananatiling nag-aalab ang liwanag ng pagkakaisa.

107

Related posts

Leave a Comment