CAVITE – Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Cavite Police hinggil sa pagkamatay ng isang 59-anyos na negosyante na umano’y nabaril sa ulo sa kanilang bahay sa Dasmariñas City noong Huwebes ng hapon.
Idineklarang dead on arrival sa Dasmariñas City Medical Center ang biktimang si alyas “Mar”, may asawa, isang negosyante, ng Brgy. Salawag, Dasmariñas City, dahil sa tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo.
Ayon sa salaysay ng asawa ng biktima kay Police Master Sergeant Benjamin De Leon Jr. ng Dasmariñas City Police Station, dakong alas-5:00 ng hapon nang makita niya ang kanyang mister na nakaupo sa isang upuan sa kanilang kwarto hawak ang kanyang kalibre .45 Taurus 1911 na baril hanggang sa pumutok at tinamaan ito sa ulo.
Hindi naman binanggit sa report kung naglilinis ng baril ang biktima nang mangyari ang insidente.
Agad nitong iniulat ang insidente sa kanilang security guard na siyang nag-report sa pulisya.
Wala pang inilalabas na progress report ang pulisya kung ang naganap na insidente ay accidental firing habang hinihintay pa nila ang ulat mula sa Provincial Forensic Unit para sa SOCO assistance.
(SIGFRED ADSUARA)
