ILANG hakbang na lang ay magbabayad na ng buwis ang mga digital transaction at platrom tulad
ng Facebook, Netflix, Lazada, Webinars, Shopee at iba matapos aprubahan sa committee level sa
Kamara ang panukalang kolektahan ang mga ito ng 12 percent value added tax (VAT).
Sa virtual hearing ng House committee on ways and means, walang kahirap-hirap na inaprubahan
ang nasabing panukala na inakda mismo ng chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda.
“We have now clarified that digital services and the goods and services traded through digital
service providers should generally be subject to VAT. This is just a matter of common tax sense,” ani
Salceda.
Ang digital services ay kinabibilangan ng “online licensing of software, updates, and add-ons,
website filters and firewalls; mobile applications, video games, and online games; webcast and
webinars; provision of digital content (music, files, images, text and information); online
advertising; electronic marketplaces, internet-based telecommunication; online training (distance
teaching, e-learning, online courses and webinars); online newspapers and journal subscription,
payment processing services at iba pa”.
Sa ngayon ay hindi pinagbabayad ang mga ito sa buwis gayung kumikita umano ang mga ito sa
advertisement. Kapag naging batas, inaasahang makakakolekta umano ang gobyerno ng P10 bilyon
karagdagang buwis.
Sinabi ni Salceda na hindi masasagasaan ang maliliit sa panukalang ito dahil 77% sa magbabayad
ay mula sa upper middle-income families at pataas habang 0.04% lamang umano ang mula sa
maliliit.
Bukod dito, tinatayang P1 bilyon lamang umano ang makokolekta sa local companies habang ang
natitirang P9 bilyon ay manggagaling sa mga dayuhang kumpanya na nasa likod ng malalaking
digital platforms tulad ng Netflix at Facebook at iba pang social media outlets.
Gayunpaman, nilinaw ni Salceda na ang local companies na gumagamit sa nasabing mga platforms
sa kanilang negosyo at kumikita lamang ng P250,000 kada taon ay libre umano sa nasabing buwis.
“Any person who, in the course of trade or business, sells, barters exchanges, leases goods or
properties—including those in digital or electronic in nature—renders services, including those
rendered electronically, and any person who imports goods shall be subject to the VAT,”
pagtatanggol naman ng vice chairman ng nasabing komite na si AAMBIS-OWA party-list Rep.
Sharon Garin.
Inaasahan na agad gagawa ang komite ng report para ilatag ito sa plenaryo ng Kamara upang
mapagtibay sa ikalawa at ikatlong pagbasa. (BERNARD TAGUINOD)
