HINDI pa oras para mag-panic ang Brooklyn Nets, ayon kay head coach Steve Nash.
Ito’y matapos malasap ang ikawalong sunod na talo, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila) sa kamay ng host Denver Nuggets, 124-104.
Umiskor si Nikola Jokic ng 27 points, may 12 rebounds at 10 assists para sa Denver.
Si Jokic, may NBA-best 14 triple-doubles sa season, ay umiskor ng 23 points sa second at third period, habang naghahabol ang Denver ng pitong puntos at kunin ang 21-point lead.
“We rebounded better in the second half, we made them take tough shots. The defense was much, much better,” ani Jokic.
Pinigil din ng Nuggets ang Brooklyn sa 29 points sa second half at putulin ang three-game skid.
Sa ikalawang sunod na pagkakataon, hindi lumaro si James Harden, habang wala pa rin si Kevin Durant sa lineup ng Nets.
“We’re not going to panic, there’s still plenty of games after the All-Star break when Kevin gets back,” pahayag ni Nash. “Hopefully we have Kevin and James. You’re talking about five guys. That’s your starting lineup, potentially.”
Umiskor si Will Barton ng 21 points at may ambag si Aaron Gordon na 17 points at nine rebounds, matapos lumiban ng dalawang laro, para sa Nuggets.
Sa panig ng Nets, nagtala si Kyrie Irving ng 27 points at 11 assists, habang si Cam Thomas, may 20 points.
Pinakamahabang losing streak ito ng Nets, matapos ang pitong sunod noong Disyembre, 26, 2019 hanggang Enero 7, 2020. Uuwi silang may 0-5 trip games.
Bukod kina Durant at Harden, wala pa rin sa lineup ng Nets sina LaMarcus Aldridge at Nic Claxton bunga ng injuries, habang si Joe Harris ay absent mula pa noong Nobyembre 14 (ankle injury).
Abante ang Denver, 76-75 sa halftime at na-outscore ang Nets, 31-16 sa third quarter tungo sa 107-91 lead.
HAWKS PINAGPAG
NG MAVS
LIMITADO ang naging laro ni Luka Doncic sa 28 minuto dahil sa foul trouble, ngunit naitala pa rin niya ang 45th career triple-double nang pangunahan ang Dallas Mavericks sa 103-94 win kontra bisitang Atlanta Hawks, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).
Nakuha ni Doncic ang fifth personal foul, 11:07 pa sa third quarter at hindi muna bumalik sa laro hanggang sa huling 9:02 ng fourth. Tumapos syang may 18 points, 10 rebounds at 11 assists para sa ninth triple-double sa season at ikalawa laban sa Atlanta.
Nag-ambag naman si Reggie Bullock ng 22 points, kasama ang anim na 3-pointer at 22 points mula kay Jalen Brunson para sa Mavericks.
Nagtala rin ang Mavs ng 16 3-pointers, angat ng 11 sa Atlanta.
Mula sa 88-86 count, nagpakawala ang Mavs ng 12-2 run tungo sa 100-88 lead, mula sa magkasunod na 3s nina Brunson at Bullock na tumapos sa resulta ng laro. Inisplit ng dalawang team ang dalawang regular-season games. Ang Dallas ay nagwagi ng apat na sunod laban sa Hawks sa home court.
Naisahan ni Doncic ang Atlanta rival na si Trae Young, bagama’t umiskor ng 17 points, 0-for-6 naman sa 3-point range at may 11 assists.
Si Hawks’ John Collins ay may 22 points at season-high 18 rebounds, habang may 14 points si De’Andre Hunter.
Umabante ang Dallas hanggang nine points sa first half at 54-40 lead sa halftime, kung saan may 14 points na si Doncic sa break, pero natawagan ng fourth PF (offensive foul) sa huling 44 seconds.
Nanguna si Brunson sa Mavs sa half sa kanyang 17 puntos, kasama ang short jumper sa huling 1.6 seconds. Habang may 12 points at 10 rebounds naman sa break si Collins at six puntos lang si Young.
Babalik ang Hawks sa Atlanta upang harapin ang Indiana sa Martes. Habang itutuloy ng Dallas ang six-game homestand sa Martes vs Detroit.
MAGIC SABLAY
SA CELTICS
UMISKOR si Jaylen Brown ng 26 points, nag-ambag si Dennis Schroder ng 22 (off the bench) at in-extend ng Boston Celtics ang season-best win streak sa lima sa 116-83 win laban sa host Orlando Magic.
Agad nakapag-adjust ang Boston sa ‘uneven’ shooting performance ni All-Star Jayson Tatum, may 15 points buhat sa 6-of-18 shooting sa floor at 2-for-8 naman sa 3-point range, para talunin ang Orlando sa ikasiyam na sunod mula pa noong Enero 2020. Kumulekta rin si Tatum ng nine rebounds at seven assists.
May double-double si Al Horford, 13 points at 11 rebounds. Si Schroder ay may 8-of-15 shots, apat na 3-pointers, habang si reserve forward Grant Williams (5-for-9 shooting) ay nakapag-ambag din ng 12 points sa pag-angat ng Boston, 12-4 sa 16 games.
Nanguna sa Magic si Jalen Suggs, 17 points, habang may 14 puntos si Wendell Carter Jr.
Tinalo ng Philadelphia 76ers ang Chicago Bulls, 119-108. Wagi rin ang Minnesota Timberwolves kontra Detroit Pistons, 118-105.
Nadale naman ng New Orleans Pelicans ang Houston Rockets, 120-107. Habang nagtala ang Milwaukee Bucks ng 137-113 win laban sa Los Angeles Clippers.
