(NI NICK ECHEVARRIA)
INILUNSAD ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame ang “New Internal Cleansing Progam” nito sa isang restorative approach na magpapatino sa mga pasaway na pulis , Martes ng umaga.
Nakatuon ito sa mahigit 13,000 mga pulis na nakasuhan na ng PNP simula 2016 na pwede pang mabago ang buhay, partikular yaong mga nag-viral sa social media na hahatiin sa isang “squad concept” na may 6-8 miyembro na kabibilangan ng mga religious sector, stakeholder at pamilya ng mga ito.
Ayon kay PNP Chief General Oscar Albayalde, kakaiba ito sa values formation na nauna nang ginawa dahil mas intimate at personal ang gagamitin nilang atake para baguhin ang pag-uugali ng isang pasaway na pulis sa pamamagitan ng kanilang squad leader mula sa religios sector.
Ayon kay Albayalde, masyadong malaki ang organisasyon ng PNP, kaya hahatiin nila ang mga ito sa mas maliit na konsepto ng grupo para maging mas magaan ang supervision ng mga tatayong squad leader sa kanilang mga miyembro.
Idinagdag pa ni Albayalde na kung dating inililipat lamang sa Mindanao ang mga pasaway na pulis pagkatapos kastiguhin, ngayon kahit mga minor at misdemeanor ay hindi na sila palalampasin ng PNP at tutuluyan na silang kasuhan kahit ipinatapon na.
Binigyang diin naman ni Albayalde na para lamang ito sa mga pulis na may pag-asa pang magbago habang ang mga na-dismiss na sa serbisyo ay wala na sa kanilang jurisdiction.
