14 BARANGAY SA PASAY ITO-TOTAL LOCKDOWN

IPINAG-UTOS ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pagsasailalim sa 14 barangay bilang mga kritikal na lugar sa lungsod matapos ang consultative meeting ni City Administrator Dennis Acorda sa City Health Office (CHO), Public Order and Safety Unit (POSU), lokal na pulisya at mga opisyales ng barangay.

Base kasi sa huling datos ng CHO, ang lungsod ay nakapagtala ng kabuuang 1,129 kumpirmadong kaso ng COVID-19 habang 44 naman ang namatay.

Sinabi ni Calixto-Rubiano, na naglagay na  ang pulisya ng mga checkpoint sa tulong na rin ng watchmen ng bawat barangay upang maipatupad ang mga restriksyon, pati na rin ang mga galaw ng mga residente sa nabanggit na mga kritikal na lugar.
Mahigpit na ring ipatutupad ng lokal na pulisya ang curfew hour sa mga kritikal na lugar mula alas-10:00 ng gabi

hanggang alas-5:00 ng madaling araw.

Ipinaliwanag ni Calixto-Rubiano na ilan sa mga restriksyon sa mga galaw ng residente sa mga lugar na nabanggit ay ang pagpapatupad na isang tao bawat pamilya lamang ang makalalabas ng bahay upang bumili ng kanilang mga pangangailangan.

Kaugnay nito ay naghanda na rin ng food packs ang lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga naapektuhang residente sa mga idineklarang kritikal na lugar sa lungsod.

“Ang COVID-19 ay nadirito pa rin at patuloy na nanghahawa at namemerwisyo sa ilang indibidwal kung kayat huwag nating ibaba ang ating pagbabantay,” sabi ni Mayor Calixto-Rubiano.

Sinabi rin ni Mayora na kanyang inatasan ang pulisya pati na rin ang mga opisyales ng barangay sa mga nabanggit na lugar na siguruhing sinusunod ng mga residente ang mga health protocol partikular ang ordinansa na naaprubahan kamakailan lamang ng City Council.

“Ipagpatuloy po natin ang pagsusuot ng face masks, iwasan ang mga mataong lugar, iwasan ang pakikipag-usap sa isang tao nang malapitan, iwasang manatili sa isang saradong lugar na mahina ang bentilasyon at ang pinakaimportante ang malimit na paghuhugas ng kamay na may sabon,” ani Calixto-Rubiano.

Pinaalalahanan din ni Calixto-Rubiano ang mga establisimyento na siguruhin na ang kanilang mga customer ay sumusunod sa mga patakaran tulad ng pagsusuot ng face mask.

Kabilang sa 14 kritikal na barangay sa lungsod ang Barangay 144 na may 39 kumpirmadong kaso ng COVID-19, kasunod ang Barangay 183 na may 35 habang ang Barangay 193 naman ang pumangatlo na may bilang na 32. (DAVE MEDINA)

119

Related posts

Leave a Comment