MAGUINDANAO – Umabot sa 15 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napatay ng mga tauhan ng Philippine Army 6th Infantry Division sa inilunsad na operasyon ng
militar sa bahagi ng Datu Salibo sa lalawigang ito.
Ayon kay Philippine Army 6th Infantry Division Commanding General MGen. Diosdado Carreon, nagsasagawa ng security operation ang mga tropa ng 57th Infantry Battalion nang makasagupa ng mga ito ang hindi mabilang na miyembro ng BIFF at Dawlah Islamiya-Terror Group sa Brgy.
Penditen. bayan ng Datu Salibo.
Nagsimula ang engkuwentro nang masabat nila ang 20 BIFF members bandang alas-5:20 ng umaga at tumagal hanggang alas-11:30 ng umaga dahil sa pagdami ng mga kalaban.
Sinabi ni Carreon, dalawa sa kanyang mga tauhan ang napatay habang 13 sundalo ang nasugatan at kinailangang ilikas at madala sa Camp Siongco Station Hospital.
Ayon kay Gen. Carreon, walong miyembro ng BIFF at DITG ang sugatan kabilang ang kanilang target na si Hassan Indal, ang lider ng teroristang grupo.
Kaugnay nito, ginawaran ng parangal ni Carreon ng Wounded Personnel Medals (WPMs) ang sugatang mga sundalo ng 57th Infantry Battalion. (JESSE KABEL)
111