TATLO katao ang namatay habang dalawa ang malubhang nasugatan dahil sa away sa campaign posters noong Lunes ng gabi sa isang common poster area sa Sousa Extension, Barangay Rosary Heights 12, Lungsod ng Cotabato.
Ayon sa ulat ng Cotabato City Police office, limang araw bago ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan election sa Oktubre 30, 2023, panibagong election related incident ang kanilang naitala kung saan dalawang kandidato para sa BSKE 2023 polls ang namatay at ang isa nilang supporter.
Ayon kay City Police chief, Col. Querubin Manalang Jr. matapos ang insidente, 12 katao ang kanilang inimbitahan sa kanilang himpilan kabilang ang tumatakbong barangay captain ng Rosary Heights 12, na kinilalang si Juhalidin Ladesla Abdul alyas “Boyong,” 40, at isang tauhan ng PNP.
Kabilang naman sa mga namatay sina Al Farr “Kako” Ayunan, tumatakbong barangay kagawad ng Barangay Kalanganan 2, ng nasabing siyudad. Anak siya ni Edris Ayunan na kandidato naman bilang barangay chairman ng Kalanganan 2.
Patay rin sina Nur-Moqtadin Butucan, kandidato bilang barangay kagawad ng Rosary Heights 12, at Faisal Abas, ng Kalanganan 2, na kapwa kaalyado ng Ayunan clan na may mga kandidatong mula sa kanilang angkan kabilang ang mga asawa, anak at pamangkin ng tinaguriang “Three Brothers Ayunan” clan.
Habang nilalapatan pa ng lunas ang dalawang malubhang nasugatan na sina Saipul Sapalon at Fajeed Daud, kapwa residente ng Kalanganan 2.
Sinasabing base sa initial investigation, sumiklab ang putukan matapos akusahan ng isang panig na sinira umano ng kalabang partido ang kanilang nakakabit na campaign posters sa Sousa Extension sa Barangay Rosary Heights 12.
Ayon kay Police Captain Jemu Remolete, ng Cotabato City Police Station 1, nangyari ang insidente bandang alas-9:00 ng gabi na sinasabing nakuhanan pa ng video.
Isang lalaki umano ang nakitang naninira ng nakakabit na posters at ilang minuto lamang ay dumating ang grupo ng mga kalalakihang sakay ng ilang sasakyan at motorsiklo.
Naaresto ng mga awtoridad ang 12 indibidwal at narekober ang ilang baril kabilang ang M16 rifles, caliber .45 pistol, 9mm pistols at 2 handheld radios sa tulong ng mga tauhan ng Philippine Marines.
(JESSE KABEL RUIZ)
515