MASBATE – Isa ang patay habang dalawa ang sugatan sa insidente ng pamamaril sa isang grupo ng mga nangangampanya para sa Barangay at SK election sa Brgy. Tan-awan, sa bayan ng Placer sa lalawigang ito, noong Lunes.
Kinilala ang napatay na si Abraham Dolores, habang sugatan naman ang kandidatong barangay chairman na si Nehemias Dilao at isa pa nilang kasama na si Jewel Sayam, pawang mga residente ng Brgy. Tan-awan, Placer, Masbate.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagsasagawa ng pangangampanya ang mga biktima kasama ang iba pang mga kandidato.
Habang binabagtas nila ang barangay road ay bigla na lamang silang tinambangan ng mga suspek gamit ang mga pampasabog at mga baril.
Napuruhan ang tatlo ngunit hindi na naisugod sa ospital ang supporter na si Dolores na agad nalagutan ng hininga sa insidente.
Isinugod naman sa pagamutan ang kandidatong kapitan at ang isa pang sugatan.
Ayon sa report, hinihinalang mga miyembro ng rebeldeng grupong New People’s Army ang mga responsable sa pananambang.
(NILOU DEL CARMEN)
