5 SUNDALONG PASOK SA DEGAMO SLAY SUMUKO

LIMANG sundalong pinaniniwalaan may direktang partisipasyon sa pamamaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo ang sumuko, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.

Sa isang pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, hayagang sinabi ni Abalos na mas matibay na ang kasong laban sa mga pinaniniwalaang may kinalaman sa karahasang kumitil sa buhay ng punong lalawigan at walong iba pa sa lungsod ng Bayan sa Negros Oriental, tatlong linggo na ang nakalipas.

Sa kabuuan, 10 suspek na di umano’y bahagi sa pamamaslang kay Degamo ang nasa kustodiya ng pulisya.

Ayon pa kay Abalos na tumatayong chairman ng Special Task Force Degamo, pawang mga dating sundalo ang mga bagong suko.

“Out of the 10 under custody, nine are ex-military, and one was an ex-military trainee who did not finish the course,” sambit ng Kalihim.

Gayunpaman, hindi muna inilabas ni Abalos ang pagkakakilanlan ng limang iba pang suspek na aniya’y nakatakdang isailalim sa tactical interrogation.

Marso 4 nang pasukin ng hindi bababa sa 10 katao ang tahanan ni Degamo sa Bayawan City kung saan walang habas na pinaulanan ng bala ang gobernador, mga opisyales ng barangay at mga residente mula sa naturang lalawigan. Sa pinakahuling bilang, siyam ang nasawi habang 16 naman ang sugatan sa nasabing insidente.

Ayon naman kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, may dalawa hanggang tatlong katao pa ang tinutugis ng mga operatiba.

Nakatakda naman ilipat sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga bagong sukong suspek matapos ang interogasyon.

Marso 11 nang atasan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang DILG at Department of Defense na magtulungan sa ikadarakip ng mga pumaslang kay Degamo.

Pagtataya ng DOJ, posibleng tuldukan na nila ang imbestigasyon bago pa man sumapit ang araw ng Sabado.

Sa kaugnay na balita, hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr., na bumalik na sa bansa para harapin ang mga kasong isinampa laban sa naturang kongresista.

Bagamat kumbinsido ang Pangulo na walang seryosong banta sa kaligtasan ni Teves, nagbitaw naman ng Pangako si Marcos ng kongresista – sagot na daw nya ang seguridad ng mambabatas. (JESSE KABEL RUIZ)

314

Related posts

Leave a Comment