HINDI nakapalag ang isang 23-anyos na lalaki nang dis-armahan ng mga tauhan ng Intelligence Section ng Manila Police District-Sta Mesa Police Station 8, makaraang magsisisigaw sa gitna ng kalye at naghahamon ng away habang iwinawasiwas ang dagger knife noong Miyerkoles ng gabi sa panulukan ng Old Sta. Mesa at Albina Streets sa Sta. Mesa, Manila.
Kinilala ang suspek na si alyas “John Rafael”, residente ng ng nasabing lugar.
Base sa report ni Police Master Sergeant Joey Ygaña, kasama sina Police Staff Sergeant Mark Anthony Buan at Police Staff Sergeant Arnold Rivera, pawang nakatalaga sa Intelligence Section, bandang alas-10:00 ng gabi habang nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga awtoridad sa nabanggit na lugar nang mamataan nila ang suspek na naghahamon ng away habang armado ng dagger knife.
Agad nila itong dinakma, dinis-armahan at dinala sa himpilan ng pulisya.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code (Alarms and scandal) at B.P. Blg. 6 (Illegal possession of bladed, pointed or blunt weapons). (RENE CRISOSTOMO)
66