ARESTADO sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Manila Police District – Del Pan Police Station 12 ang isa sa tatlong hinihinalang agaw-armas na nang-agaw ng baril sa isang security guard sa Tondo, Manila.
Kinilala ang natimbog na suspek na si John Jonard Pacho, 25, binata, helper, residente ng Tondo, Manila habang tinutugis pa ang dalawang kasama nito na sina Shane Burlas at Taniel Blton, kapwa nasa hustong gulang.
Napag-alaman, bandang alas-2:00 ng madaling araw noong Nobyembre 6 nang agawin umano ng isa sa mga suspek ang baril ng security guard na si Saldy Baisa, 53, habang bumibili sa isang tindahan sa Tondo, Manila.
Akmang papalag ang biktima kaya tinangka itong paputukan ng isa sa mga suspek ngunit hindi pumutok ang baril.
Bunsod nito, pinagtulungan na lamang bugbugin ng mga suspek ang biktima.
Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng PCP 2 ng Station 12 ng MPD na nagresulta sa pagkakadakip kay Pancho.
Patuloy pa ang follow-up operation ng mga awtoridad upang madakip ang dalawa pang mga suspek.
(RENE CRISOSTOMO)
62