(NI ABBY MENDOZA)
SA loob ng 24-oras ay dalawang bagyo ang patuloy na magpapaulan sa Northern Luzon matapos pumasok na rin ng Philippine Area of Responsibility(PAR) ang bagong bagyong Sarah.
Sa pinakahuling weather bulletin ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration(PAGASA), humina na ang bagyong Ramon matapos itong maglandfall sa Cagayan.
Huling namataan ang Bagyong Ramon sa may Roxas, Isabela, taglay ang hangin na 55 kph at pagbugso na 90 kph at kumikilos sa bilis na 20 kph.
Mas hihina pa ang bagyong Ramon at posibleng maging isang Low Pressure Area na lamang sa loob ng 24-oras at lalabas na ng bansa.
Umiiral na lang ang Signal No 1 sa Batanes, Cagayan, Apayao, Kalinga, Abra, Ilocos Norte at Ilocos Sur, kanlurang bahagi ng Isabela (Quezon, Mallig, Quirino, Roxas, San Manuel, Burgos, Aurora, Reina Mercedes, Luna, Cabatuan, San Mateo, Cauayan, Ramon, Alicia, Angadanan, San Isidro, Santiago at Cordon), Mountain Province, Benguet, Ifugao, La Union at Pangasinan
Samantala, ang bagyong Sarah ay isa nang tropical storm.
Namataan ito sa layong 640 km silangan ng Casiguran, Aurora, may lakas ng hanging 65 kph; bugso na 80 kph at kumikilos ng 20 kph.
Dahil sa inaasahang pagtama sa lupa ng bagyong Sarah ay itinaas na sa signal No 1 ang silangang bahagi ng Cagayan at hilagang-silangang bahagi ng Isabela.
221