BATA PATAY SA PUMUTOK NA BARIL NG AMANG PULIS

PATAY ang isang 8-anyos na batang lalaki makaraang tamaan ng bala ng nahulog umanong baril ng kanyang ama na miyembro ng Northern Police District, sa Leandro Street, Barangay 35, Tondo, Manila noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Dan Rycel habang ang ama nitong pulis na si Police Master Sergeant Dan Ryan, nasa hustong gulang, ay isinailalim sa masusing imbestigasyon ng Manila Police District – Homicide Section, na pinangasiwaan ni Police Captain Dennis Turla.

Ayon sa ulat ng Asuncion Police Community Precinct, sakop ng MPD- Moriones Police Station 2, bandang alas-6:00 ng gabi nang makarinig ng putok ng baril ang mga miyembro ng pamilya na naroroon sa ikatlong palapag ng kanilang bahay.

Nabatid sa pulisya, habang nanonood ng TV ang bata sa ikalawang palapag ng bahay nang mahulog umano ang baril ng ama nitong pulis naging dahilan ng pagputok nito at tinamaan ang biktima.

Isinugod ang ang biktima ng kanyang lola sa Mary Johnston Hospital subalit dakong ala-7:02 ng gabi ay nalagutan ito ng hininga.

Iniimbestigahan din ang dalawang kaanak ng biktima na sina alyas “Glian” at “Lira” na siyang nag-ulat hinggil sa insidente. (RENE CRISOSTOMO)

87

Related posts

Leave a Comment