SA gitna ng dinaranas ng krisis bunsod ng hindi maawat na pagsirit sa mga produktong petrolyo, nanawagan ang isang agro-industrial expert sa pamahalaan na katigan ang isinusulong na gas field project sa karagatang sakop ng lalawigan ng Palawan.
Sa isang pulong balitaan na ginanap sa Manila Hotel, iginiit ni Agapito Salido Jr. na hindi lamang kakulangan sa langis ang tutuldukan ng gas field projects sa kanilang mga tinukoy na bahagi ng karagatang base sa pag-aaral ay may mayamang deposito ng langis at natural gas – higit pa sa supply na mayroon ang Malampaya.
Aniya, malaking bahagi rin ng populasyon ng Palawan ang mabibigyan ng hanapbuhay sa sandaling aprubahan ng pamahalaan ang kanilang panukalang pagpasok ng mga investors sa larangan ng energy development.
Para kay Salido na kandidato sa posisyon ng gobernadora sa nasabing lalawigan, higit na angkop na pakinabangan ng Pilipinas ang mayamang deposito ng natural gas at langis sa kailaliman ng karagatang sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa, bagay na aniya’y mag-aahon sa Pilipinas sa pagkakalugmok bunsod ng tigil-operasyon ng mga negosyo sa gitna ng pandemya.
Gayunpaman, hindi pa rin aniya dapat maiwanan ang agrikultura at turismong dinarayo ng mga bakasyonista at banyagang turista.
Kabilang sa mga dumalong investors na itinutulak ni Salido sa gas field project sa karagatan ng lalawigan sina Elyas Niroomard na tumatayong Director ng Jey Oil Refilling Company, Rahul Mishra na tumatayong JORC board member, Majid Izumi na tumatayo namang chief executive officer (CEO) ng Jey Oil Segalbenis Company, US Investor na si Yash Somambhai Barot at Allen Macaraeg Alamana na tumatayong Director ng Islamic Investment Bank at Climate Change Commission.
Sa pinag-isang pahayag nina Salido at mga investors, tiniyak ng grupo na ang tanging hangad ng kanilang isinusulong na proyekto ay paunlarin hindi lamang ang Palawan kundi ang buong bansa. (RENE CRISOSTOMO)
121