HOLDAPER BUKING NANG MAAKSIDENTE KINARNAP NA TAXI

ARESTADO ang isang lalaki matapos masangkot sa aksidente ang minamanehong carnapped na taxi nitong Martes, Oktubre 29, 2024, bandang alas-11:55 ng gabi sa Aurora Subdivision, Brgy. San Isidro, Angono, Rizal.

Kinilala ang suspek na si Alyas Mark, 39-taon gulang, at residente ng Brgy. San Isidro Angono, Rizal.

Sa report na nakalap ni PCol. Felipe Maraggun, Provincial Director, isang 62-anyos na driver ang nag-report sa Angono Municipal Police Station kaugnay sa panghoholdap at pangangarnap ng kanyang minamanehong taxi.

Sa kwento ng biktima, nag-book umano ang suspek sa Aurora Boulevard, Quezon, City at nakiusap na ihatid ito sa Angono, Rizal.

Nang makarating sa destinasyon, agad umano siyang tinutukan ng suspek at nagdeklara ng holdup.

Natangay ang pera mula sa biktima na aabot sa halagang Php1,500.00, iba pang IDs at agad na umalis ang suspek lulan ng ninakaw na taxi.

Matapos matanggap ang report, agad namang nagsagawa ang mga otoridad ng malawakang follow-up at hot-pursuit operation sa mga karatig bayan ng probinsya at bandang alas-5:40 ng umaga ng Oktubre 30 ay naaresto ang suspek sa Brgy. Halayhayin, bayan ng Pililla.

Ayon pa ulat, nasangkot umano sa isang road crash incident ang suspek kung saan nakabanggaan nito ang isang tricycle.

Mahaharap sa kasong robbery with carnapping, Reckless Imprudence Resulting to Multiple Injuries and Damage to Property ang suspek na nakapiit sa himpilan ng Angono Custodial Facility habang inihahanda ang mga papel sa pagsasampa ng kaso at inquest proceedings laban dito. (NEP CASTILLO)

10

Related posts

Leave a Comment