MATAPOS lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas para sa pagbibigay ng kapangyarihan sa Punong Ehekutibo na itakda ang pagbubukas ng klase, iminungkahi ni Senador “Migz” Zubiri na magsagawa ang gobyerno ng totoong assessment sa paghahanda ng Department of Education
(DepEd) para sa distance learning.
Sinabi ni Zubiri na isang ‘honest to goodness assessment’ ang dapat gawin upang matukoy kung sadyang handa na ang lahat para sa pagbubukas ng klase sa Agosto 24.
“Dapat magkaroon ng honest to goodness assessment on the situation on the ground lalo na sa mga probinsya na mahina ang internet and mahina rin ang cellphone signal,” pahayag ni Zubiri.
Binigyang-diin ni Zubiri na marami pang lugar sa bansa tulad sa Mindanao ang wala pa ring maayos na internet connection kung saan inihalimbawa pa nito ang sariling lalawigan na Bukidnon na iilang lugar lamang anya ang may maayos na signal.
“Kami sa Mindanao ay kulang pa sa interconnectivity kaya dapat pag-aralan natin mabuti kung handa na ba ang DepEd sa kanilang home school learning programs,” mariin pang sinabi ng senador.
Iginiit ng mambabatas na kailangang matiyak na handa na ang lahat bago tuluyang buksan ang klase upang walang estudyanteng maiwan. (DANG SAMSON-GARCIA)
96