LALAKING NAGPAPAHANGIN SA LABAS TINODAS

CAVITE – Inoobserbahan sa Philippine General Hospital (PGH) ang isang 32-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng isang motorcycle driver habang nagpapahangin sa isang eskinita malapit sa inuupahan nitong bahay sa bayan ng General Mariano Alvarez (GMA), sa lalawigan noong Huwebes ng gabi.

Unang isinugod sa CARSIGMA Hospital ang biktima na si alyas “Ronnie” ng Brgy. Granados, GMA, Cavite, subalit inilipat sa PGH sa Maynila upang higit na matutukan ang kalagayan dahil sa tama ng bala sa katawan.

Inaalam naman ang pakakakilanlan ng suspek na nakasuot ng itim na sando, pulang short, puting cap at nakamotorsiklo na tumakas matapos ang insidente.

Ayon sa ulat, nagpapahangin sa isang eskinita malapit sa kanyang inuupahang bahay ang biktima nang dumating ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ito gamit ang .45 kalibreng baril.

Matapos ang pamamaril, sumakay ang suspek sa kanyang motorsiklo at tumakas sa direksiyon ng Congressional Road patungong GMA town proper.

Natagpuan sa lugar ang isang basyo at isang bala ng .45 kalibreng baril.

Nagsasagawa ng backtracking sa closed circuit television (CCTV) ang pulisya para sa posibleng dinaanan at pagkakakilanlan ng suspek. (SIGFRED ADSUARA)

60

Related posts

Leave a Comment