Nagbibigay paalala ang Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad) na mag-imbak ng sapat na tubig ang mga customer na pansamantalang mawawalan ng serbisyo patubig nitong Marso 5 hanggang Marso 7, 2023 para sa isasagawang pagkukumpuni ng tumatagas na primary line sa panulukan ng Osmeña Highway at Zobel Roxas St. sa lungsod ng Makati (malapit sa boundary ng Maynila).
Ang pagkukumpuni ng 2,200mm-diameter primary line, na nakalatag sa lalim na 7 metro, ay magdudulot ng 20 hanggang 57 oras na pagkaantala ng supply ng tubig sa ilang bahagi ng Maynila, Makati, Pasay, at Parañaque mula 3:00 p.m. ng Marso 5, 2023 (Linggo) hanggang 11:59 p.m. ng Marso 7, 2023 (Martes).
Para sa updated na listahan ng mga apektadong lugar at ng kani-kanilang service interruption schedules, bisitahin ang Maynilad website (https://www.mayniladwater.com.ph/), Facebook page (www.facebook.com/MayniladWater), at Twitter account (@maynilad).
Upang masiguro na ang mga apektadong customer ay may sapat na tubig habang nakararanas ng service interruption, narito ang ilang mga paalala ng Maynilad para sa wastong pag-iimbak ng tubig:
• Hangga’t maari, siguruhin na may takip ang iimbakan ng tubig. Ang tubig na nakaimbak sa hindi selyadong lalagyan ay dapat magamit sa loob ng isa hanggang dalawang araw. Pakuluan ang tubig kung nais gamitin sa pag-inom o pagluluto.
• Mag-imbak ng tubig sa iba’t ibang lalagyan—maliit man o malaki. Ang tubig na gagamiting pang-inom ay dapat ilagay sa malinis at selyado na lalagyan.
• Ilayo sa init ng araw ang mga inimbak na tubig dahil maari itong maging sanhi ng paglago ng algae at bacteria.
• Panatilihing malayo ang tubig na nasa plastic container mula sa gasolina at nakalalasong kemikal para maiwasan ang kontaminasyon.
• Huwag mag-imbak ng tubig sa mga lalagyang ginamit para sa mga nakalalasong kemikal.
• Maaaring gawing yelo ang ilan sa iipuning tubig para gamitin sa pang-inom at panluto.
• Para iwas kontaminasyon, linisin ang mga cistern, drum, at overhead tanks bago punan ng tubig.
• Maaring gamitin ang walang laman na botelya ng sabon o bleach bottles para pag-imbakan ng tubig na gagamitin sa paglilinis.
• Gumamit ng mga food-grade container para sa pag-iimbak ng tubig na pang-inom at panluto.
• Maaring gamitin ang nilinis na soda bottles, glass canning jars at juice bottles para pag-imbakan ng tubig pang-inom at panluto.
Para sa karagdagan impormasyon ukol sa Marso 5–7, 2023 na water service interruption, maaaring tumawag ang mga apektadong customer sa Maynilad Hotline 1626.
544