Medical staff positibo sa COVID-19 CALOOCAN HOSPITAL, 1-WEEK SARADO

ISASARA sa loob ng isang linggo ang Caloocan City Medical Center-South kasama ang Emergency Room nito, mula alas-12:00 ng tanghali nitong Hulyo 17 hanggang alas-12:00 ng tanghali sa Hulyo 23 upang magsagawa ng ‘decontamination’ makaraang ilang medical staff ang magpositibo sa COVID-19.

Sinabi ni Mayor Oscar Malapitan, naka-quarantine na ang mga nurse at med tech na nagpositibo sa virus at tuluy-tuloy ang isinasagawang contact tracing upang mapigilan ang pagkalat ng nasabing nakamamatay na sakit.

Kahit sarado, patuloy na bibigyan ng kinakailangang atensyong medikal ang mga pasyenteng naka- admit na.

Patuloy ring magseserbisyo ang Out-Patient Department na matatagpuan sa Old City Hall Plaza at ang Caloocan City North Medical Center (CCNMC) na mananatiling bukas para sa mga mamamayan.

Ipinagbigay-alam din ni Malapitan na ang CCMC ay umabot na sa ‘overflowing capacity’ para sa mga pasyente ng COVID-19 at hinikayat ang publiko na dalhin ang mga positibo o suspected COVID-19 patients sa ibang ospital para sa agarang lunas.

“Tayo ay patuloy na humihingi ng pang-unawa sa ating mga mamamayan. Patuloy natin ipagdasal ang ating mga medical staff at iba pang tinamaan ng sakit na ito. Umasa kayo na ginagawa natin ang lahat upang mabuksan muli ang CCMC sa lalong madaling panahon, nang sa gayon ay muli tayong makapagbigay ng ligtas at maayos na serbisyong medikal sa mga taga-Caloocan,” dagdag ni Mayor Oca. (ALAIN AJERO)

142

Related posts

Leave a Comment