Mga dating konsehal miyembro ng pandemic mafia? BIDDING NG QC E-TABLET MORO-MORO

MISTULANG moro-moro ang bidding na isinagawa ng pamahalaang lungsod para sa kanilang bibilhing electronic tablets na nakatakdang gamitin ng mga junior at high school student para sa
distance learning ngayong taon.

Sa obserbasyon ng insider ng SAKSI Ngayon, kaduda-duda aniya ang naging proseso ng bidding sa E-tablet project na pinaniniwalaang gagastusan ng kulang-kulang dalawang bilyong piso ng Quezon City LGU.

Ayon sa insider, sa simula pa lamang ay diniskwalipika na ng Bids and Awards Committee ng Quezon City government ang ibang E-tablet bidders hanggang sa isa na lang ang natirang kumpanya
at ito ay ang Trireal Enterprise na may joint venture sa isa pang kumpanya na kung tawagin naman ay Redenta Technologies Incorporated.

Base sa terms and reference ng QC BAC sa Philippine Government Electronic Procurement System o PHILGEPS, magugunitang inilathala nilang global brand ang E-tablet na dapat i-supply ng
magwawaging bidder bukod pa sa ang brand o modelo ay dapat naibebenta sa may 35 bansa sa buong mundo.

Subalit sa isinagawang bidding nitong Huwebes ay nabigo umano ang BAC ng Quezon City na alamin kung ano ang brand at modelong maaaring i-supply ng natirang bidder kung kaya lumakasang hinala ng mga nakasaksi na moro-moro at ‘lutong macau’ ang isinagawang proseso ng bidding.

Kwestyunable rin para sa source ang kakayahan ng nagwaging bidder na Trireal Enterprise dahil bagaman ipinagmamalaki nito na nagkaroon na sila ng malalaking kontrata sa pamahalaan sa
nakalipas at matagal na silang supplier ng E-tablets ay iisa ang malaking kontrata na kanilang naipakita sa isinagawang bidding procedures.

Kaya rin daw inalis o na-disqualify ang ibang bidders ay dahil mababa sa pitong libong piso (P7,000) ang presyo ng Trireal Enterprise. Ipinagmalaki ng kumpanya na P6,950 lang ang E-tablet na kanilang isu-supply sa QC students.

Gayunpaman, napag-alaman pa rin ng SAKSI na ang halaga ng E-tablet ng nanalong bidder ay ‘di hamak na mataas kumpara sa mga global brand na lumahok sa bidding ng iba pang Metro Manila LGUs na may halagang P5,500 lamang.

Dahil dito, kung matutuloy umano ang transaksyon ng QC LGU sa Trireal Enterprise, magiging overprice ng 290 million pesos ang E-tablet project ng pamahalaang lungsod na siyang
pinakamataas sa lahat ng biniling E-tablets sa buong National Capital Region o NCR.

Bukod dito, ang ka-partner ng Trireal Enterprise na Radenta Technologies Incorporated ay siya rin umanong supplier ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na kalaunan ay
kinuwestyon dahil sa anomalya at mga overpriced na transaksyon.

Magugunitang initsapwera ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang mga local brand at manufacturers na sumali sa bidding ng E-tablets.

Dalawang dating konsehal din ng lungsod na itinalaga ni Mayor Joy Belmonte sa matataas na posisyon sa city hall ang diumano’y promotor ng ‘pandemic mafia’ at pinaniniwalaang nagmamaniobra ng nakatakdang bilyong pisong procurement para sa E-tablets at iba pang proyekto habang nasa kasagsagan ng pandemya.

Dahil dito, pinag-aaralan ng mga dismayadong bidders na magsampa ng kaso sa tanggapan ng Ombudsman laban sa nadiskubreng katiwalian sa Quezon City Hall na malinaw umanong
pagsasamantala sa mga proyektong inilulunsad ng pamahalaang lungsod ngayong patuloy ang krisis sa bansa dulot ng pandemyang COVID-19.  (MATEO MAGHIRANG III)

141

Related posts

Leave a Comment