MGA SENADOR, NALUNGKOT SA PAGBASURA SA PRANGKISA NG ABS-CBN

NAGPAHAYAG ng kalungkutan ang ilang senador sa naging desisyon ng Kamara sa prangkisa ng network.

Sinabi ni Senador Sonny Angara na masama ang magiging epekto nito sa ekonomiya hindi lamang sa media o broadcasting industry kundi maging sa industriya ng advertising at sa creative industries.

Bukod dito, idinagdag ni Angara na hindi rin anya ito magandang epekto sa press freedom at sa uri ng demokrasya sa bansa.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na sa 13 pagdinig ng komite, lumabas na ang tanging kasalanan ng ABS-CBN ay nang maapakan nito ang ilang makapangyarihang politiko.

Ipinaalala ni Drilon na sa panahon ngayon ng pandemya, mas kailangan ng bansa ang access sa impormasyon kung saan malaki ang tulong ng network.

Binigyang-diin din nito na sa desisyon ng Kamara, 11,000 empleyado at pamilya nito ang magsasakripisyo dahil sa kawalan ng pagkakakitaan.

Naniniwala naman si Senador Risa Hontiveros na magsisilbing ‘dangerous precedent’ ang desisyon ng Kamara makaraang maging isyu na anya ng pulitika ang renewal ng prangkisa ng media network.

Iginiit naman nito na sa huli ay maniningil ang kasaysayan sa mga nasa likod ng mapait na kasaysayang ito sa media industry.

Para naman kay Senador Grace Poe, may epekto rin sa kasalukuyang mga prangkisa ang inilarawan nitong ‘high and unforgiving bar’ ng mga kongresista sa mga franchise.

Sinabi nito na hindi lamang ang pagbabalita ang pinutol sa desisyon kundi maging ang entertainment shows na nagbibigay inspirasyon din sa publiko. (DANG SAMSON-GARCIA)

129

Related posts

Leave a Comment