Nangyari sa opening night 12 SUGATAN SA GUMUHONG STEEL BEAM SA FOOD PARK

IPINASARA ng local government ng Lapu-Lapu City ang isang food park matapos na gumuho ang steel beam nito na ikinasugat ng 12 katao sa kanilang opening night mismo noong Linggo.

Ayon sa Lapu-lapu City Police Office, kinailangang itakbo sa pagamutan ang 12 katao nang mag-collapse ang gitnang bahagi ng food park  na gawa sa bakal at polycarbonate na sinasabing dahil sa malakas na pag-ulan.

Nabatid na bigla na lamang bumagsak ang bubungan ng nasabing food park sa Barangay Maribago ng nabangit na siyudad, ilang minuto matapos na makaalis ang kanilang city mayor na naging panauhing pandangal sa opening night.

“They sustained head contusions, minor bruises and abrasions in their arms and neck part of their bodies,” ayon sa ulat naman ng Lapu-Lapu City Disaster Risk Reduction and Management Office chief Nagiel Bañacia.

Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na may suliranin umano sa structural design ng bubungan ng nasabing food park. Ayon kay Bañacia, posibleng may depekto sa disenyo ng bubungan subalit kailangan pa itong suriing mabuti.

Nabatid sa salaysay ng ilang saksi, posibleng dahil sa bigat ng naipong tubig-ulan sa ibabaw ng bubungan kaya bumagksak ang plastic sheet roofs.

May pumuna naman na diretso ang pagkakagawa ng bubong kaya posibleng lumundo ito nang maipunan ng tubig.

Agad naman umanong babawiin ang closure order matapos ang pagsisiyasat ng Office of the Building Official at City Business Processing and Licensing Office, at maayos ang depekto mula sa bumagsak na bahagi ng bubungan. (JESSE KABEL RUIZ)

157

Related posts

Leave a Comment