P13-B TINIYAK NI DUTERTE NA MAIBIBIGAY SA MGA MANGGAGAWA

DIRETSAHANG sinabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Labor Secretary Silvestre Bello III na tiyaking maibigay ang P13 bilyong ayuda sa mga manggagawa sa Disyembre.

Ang P13 bilyon ay ang alokasyon sa Department of Labor and Employment (DOLE) mula sa Republic Act 11494 , o Bayanihan to Recover as One Act, na ayuda ng pamahalaan sa mga manggagawa.

Sa pulong ng Gabinete nitong Lunes, idiniin ni Duterte kay Bello na maibigay ang P13 bilyon sa mga manggagawang nasira ang trabaho ngayong umiiral ang coronavirus disease-2019 (COVD-19).

“Yes, Mr. President. Our payout will be at the latest Nov. 15,” pagtiyak naman ni Bello.

Kabilang sa mga ipamamahagi ng DOLE ang isang bilyong pondo sa Commission on Higher Education (CHEd) na gagamitin sa college educational scholarship ng mga anak ng 30,000 overseas Filipino workers (OFWS).

Bawat isa sa kanila ay P13,000 ang matatanggap, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Banggit ni Bello kay Duterte na ang limang bilyong nakalaan sa OFWs ay P3.1 bilyon na ang naipamahagi.

Sa pagpapatupad ng Bayanihan 2, makatatanggap din ng P5,000 bawat isa ang 993,432 manggagawa sa formal sector na hindi nakatanggap ng ayudang pinansiyal mula sa DOLE nang ipatupad ang Bayanihan to Heal as One Act, wika ni Bello.

Limang bilyon ang nakalaan sa kanila mula sa P13 bilyon.

Limang libo rin ang ipamimigay sa 800,000 manggaawa sa informal sector na walang natanggap sa Bayanihan 1, patuloy ni Bello.

Anim na bilyon ang nakalaan sa kanila.

Uunahin ng DOLE ang 5,000 manggagawa mula sa Catanduanes na nabigwasan ng matinding bagyong “Rolly”.

Mabibigyan din ng tig-P10,000 ang 200,000 OFWs na hindi nakatanggap sa Bayanihan 1, susog ni Bello. (NELSON S. BADILLA)

95

Related posts

Leave a Comment