PAGKAKADAWIT NG ILANG PNP OFFICIALS SA P6.7B SHABU IKINADISMAYA NI ROMUALDEZ

DISMAYADO si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pagkakadawit ng pangalan ng dalawang heneral at mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa takipan kaugnay sa nakumpiskang P6.7 bilyong halaga ng shabu noong 2022.

“Nakakalungkot na karamihan sa mga idinadawit ay mga miyembro pa ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) na siyang in-charge sa paghuli ng mga iligal na droga,” ayon sa lider ng Kongreso.

Dagdag pa ni Speaker Romualdez, “kailangang i-reshuffle o reorganisa kaagad ang yunit na ‘yan dahil mismong mga opisyal nito ay sangkot daw sa cover-up ng nasabing drug seizure”.

Ibinunyag ni Interior Secretary Benhur Abalos ang mga pangalan ng mga opisyal at tauhan ng PNP, kabilang na ang hepe mismo ng PDEG na si Brig. Gen. Narciso Domingo.

Subalit, mariin namang itinanggi ni Gen. Domingo na may nangyaring cover-up dahil kasama raw talaga ito sa plano para mas marami pa silang mahuli, at alam daw ito ni Chief PNP Rodolfo Azurin.

“Dapat masusing imbestigahan ito ng DILG dahil hindi magandang tingnan na ‘yung nanghuhuli ng droga ay masasangkot pa sa umano’y pagtatakip ng kanilang mga nahuli?” ani Romualdez.

“Maganda ring marinig natin ang paliwanag ni Gen. Azurin,” pahabol pa ng mambabatas mula Leyte.

243

Related posts

Leave a Comment